Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

134/366

Kasama ang mga Nakababatang Kaanib ng Sambahayan ng Diyos, Mayo 13

Alalahanin mo rin naman ang Lumikha sa iyo sa mga araw ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw, at ang mga taon ay lumapit, na iyong sasabihin, “Wala akong kasiyahan sa mga iyon,” Eclesiastes 12:1, TKK 143.1

Ang bawat pagpapala na inilaan ng Ama para sa kanilang may higit na magulang na karanasan ay ibinigay rin sa mga bata at kabataan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Kapag nakikita ng Panginoon ang mga kabataan na pinag-aaralan ang buhay at mga turo ni Cristo, binibigyan Niya ang Kanyang mga anghel ng pangangalaga sa kanila, upang ingatan sila sa lahat ng kanilang daan, kung paanong binigyan Niya ang Kanyang mga anghel ng pangangalaga kay Jesus, ang Kanyang minamahal na Anak. Binantayan ng mga anghel si Jesus noong nabubuhay Siya sa lupa sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu ng Diyos, na tinutupad ang kalooban ng Ama, upang makapagbigay Siya ng tamang halimbawa ng karakter, na maaaring maging halimbawa sa mga bata at kabataan. Ninais Niya na sa bawat kilos sa kanilang mga buhay, ay gagawin nila iyong mga bagay na tatanggapin ng Diyos. Alam Niya na ang bawat mabuting gawa, ang bawat kabutihan, ang bawat gawa ng pagsunod sa ama at ina, ay maitatala sa mga aklat sa langit. TKK 143.2

Silang nagpaparangal sa kanilang mga magulang ay aani ng gantimpala sa pagkaganap ng pangako na mabubuhay sila ng matagal sa lupa na ibibigay sa kanila ng Panginoon nilang Diyos. Dapat na magpatuloy ang mga bata sa paggawa ng mabuti, nananalangin na sa pamamagitan ng mga kabutihan ni Jesus ay bibigyan sila ng Panginoon ng Kanyang biyaya, Kanyang pag-iisip, at Kanyang kagandahan ng karakter. Walang iniurong ang Diyos na pagpapalang kailangan para sa paghugis ng karakter ng mga bata at kabataan sang-ayon sa banal na tularan na ibinigay sa kanila sa pagkabata ni Jesus. Dapat silang humingi ng mga biyaya ng Kanyang karakter, sa payak at nagtitiwalang pananampalataya, at sa pangalan ni Jesus, gaya ng isang anak na humihingi ng pabor mula sa kanyang makalupang magulang. TKK 143.3

Mga minamahal na mga bata at kabataan, kailangan ninyo ng bagong puso. Humingi kayo sa Diyos nito. Sinasabi Niya, “Bibigyan Ko kayo ng bagong puso” (Ezekiel 36:26). Kapag humingi ka sang-ayon sa Kanyang kalooban, huwag kayong mag-alinlangan na inyong tatanggapin; sapagkat anumang ipinangako ng Diyos, ay tutuparin Niya. Kung lalapit ka na may pagsisisi sa kaluluwa, hindi ninyo kinakailangang maramdaman na nagiging pangahas kayo sa paghingi sa Diyos ng Kanyang ipinangako. Ang pagiging pangahas ay paghingi ng mga bagay upang mabigyang lugod ang mga makasariling hilig; para sa kasiyahan ng tao sa mga makalupang bagay. Ngunit kapag humihingi kayo ng mga espiritwal na biyaya na talagang kailangan ninyo upang makapagdalisay kayo ng karakter sang-ayon sa wangis ni Cristo, tinitiyak sa inyo ng Panginoon na humihingi kayo sang-ayon sa pangakong mapapatunayan.— THE YOUTH’S INSTRUCTOR, August 23,1894 . TKK 143.4