Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

125/366

Sa mga Sandali ng Kawalang Pag-asa, Mayo 4

“Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.” Mateo 7:7, 8. TKK 134.1

Pagkatapos ay lumapit kayo, at humanap, at makakita. Nakabukas ang imbakan ng kapangyarihan, puno at walang bayad. Lumapit kayo na may mapagpakumbabang mga puso, na hindi iniisip na kailangan ninyong gumawa ng mabuti upang maging karapat-dapat para sa kabutihan ng Diyos, o kailangan ninyong gawing mas mabuti ang inyong sarili bago kayo makakalapit kay Cristo. Wala kayong magagawa upang pabutihin ang inyong katayuan. Sa pangalan ni Jesus, lumapit kayo na may ganap na katiyakan ng pananampalataya, dahil kayo ay makasalanan, sapagkat sinabi ni Cristo, “Sapagkat hindi Ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan” (Mateo 9:13). Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit Siya sa inyo. Kailangan mong humingi, maghanap, kumatok, at maniwala na tinatanggap kayo sa pamamagitan ni Cristo Jesus, sa Kanya lamang nagtitiwala upang gawin iyong mga bagay para sa inyo na hindi ninyo magagawa sa inyong sarili. . . . TKK 134.2

Si Jesus ang ating sakripisyong pambayad-sala; hindi tayo makagagawa ng pagbabayad-sala para sa ating sarili, ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya ay matatanggap natin ang pagbabayad-sala na ginawa para sa atin. “Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo ay madala Niya sa Diyos.” (1 Pedro 3:18). “Nalalaman ninyong kayo'y tinubos mula sa inyong walang kabuluhang paraan ... kundi ng mahalagang dugo ni Cristo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis” (1 Pedro 1:18, 19). “Ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan” (1 Juan 1:7). Sa pamamagitan ng mahalagang dugo mapapanumbalik sa kaayusan ang kaluluwang puno ng sala. Samantalang itinataas ninyo ang inyong mga panalangin sa Diyos, inilalagay ng Banal na Espiritu ang mga tapat na pangako ng Diyos sa inyong puso. TKK 134.3

Sa mga sandali ng kalituhan, kapag nagmumungkahi si Satanas ng pag- aalinlangan at panghihina ng loob, magtataas ang Espiritu ng Panginoon bilang isang bandila laban sa kanya ng mga tapat na salita ni Cristo, at magniningning sa inyong pag-iisip at kaluluwa ang mga maliwanag na sinag ng Araw ng katuwiran. Kapag gagapiin kayo ni Satanas ng kawalang pag-asa, ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu ang pamamagitan na ginawa para sa inyo ng isang nabubuhay na Tagapagligtas. Si Cristo ang samyo, ang banal na insenso, na siyang dahilan upang maging katanggap-tanggap ang inyong mga panalangin sa Ama. Kapag lubos na maunawaan ang liwanag ng katuwiran ni Cristo at tinanggap, lalaganap sa kaluluwa ang pag-ibig, kasiyahan, kapayapaan, at pagpapasalamat na hindi mabigkas, at ang wika niya na pinagpala ay magiging “Pinadakila ako ng kahinahunan Mo” (Awit 18:35).— SIGNS OF THE TIMES, August 22,1892. TKK 134.4