Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Minamahal Pa Rin Bagama’t Tayo’y Nagkakamali, Mayo 5
Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala, Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid, 1 Juan 2:1, TKK 135.1
Aang mga may kaugnayan sa Diyos ay mga daluyan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kung maligaw ng landas ang taong araw-araw na nakikipagniig sa Diyos, kung babaling siyang pansumandali mula sa pagtitig kay Jesus, ito'y hindi dahil sa sadya siyang nagkakasala; dahil kapag nakita siya ang kanyang pagkakamali, muli siyang babaling at itutuon ang kanyang paningin kay Jesus. Hindi dahil nagkamali siya ay nababawasan na ang pagmamahal sa kanya ng Diyos. Nalalaman niyang may pakikipagniig siya sa Tagapagligtas; at kapag sinaway siya sa kanyang pagkakamali, hindi siya lumalakad nang malumbay, at umaangal sa Diyos, kundi ginagawang tagumpay ang pagkakamali. Natututuhan niya ang aral mula sa mga salita ng Panginoon, at nag-iingat upang hindi na siya madayang muli. TKK 135.2
May panloob na katibayan ang mga tunay na nagmamahal sa Diyos na sila nga'y mahal Niya, na may pakikipagniig sila kay Cristo, na ang kanilang mga puso ay pinapag-alab ng pag-ibig sa Kanya. . . . Maaari nilang sabihin nang may ganap na pagtitiwala, “Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng Kanyang kadakilaan.... Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso” (2 Pedro 1:16-19). TKK 135.3
Ang panloob na buhay ng kaluluwa ay maghahayag ng sarili sa panlabas na pag-uugali. Hayaang taglayin ng Salita ng Diyos ang patotoo nito para sa sugong ipinadala ng Diyos na may mensahe para sa mga huling araw upang maihanda ang isang bayang tumayo sa araw ng Panginoon. ” ‘Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Zion, ‘Ang iyong Diyos ay naghahari!’ ” (Isaias 52:7). TKK 135.4
Hindi mapagkakatiwalaan ang karunungan ng tinatawag na mga taong intelektuwal, malibang matutuhan nila araw-araw ang mga aralin sa paaralan ni Cristo. Maaaring magpanukala at gumawa ng mga teorya at mga sistema ng pilosopiya ang mga tao, sa inaari nilang karunungan, ngunit tinatawag sila ng Panginoon na palalo at mangmang. Sinasabi ng Panginoon, “Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao” (1 Corinto 1:25).— REVIEW AND HERALD, May 12,1896 . TKK 135.5