Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

120/366

Naglalatag ng Matibay na Pundasyon, Abril 29

Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya, Efeso 4:14, TKK 128.1

Nangungusap ang tinig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita, at maraming tinig na makikinig; ngunit sinabi ni Cristo na kailangan nating mag-ingat sa kanila na magsasabi, Narito si Cristo o naroon si Cristo. Kung gayo'y paano natin malalaman na wala sa kanila ang katotohanan, malibang dalhin natin ang lahat sa Kasulatan? Binalaan tayo ni Cristo na mag-ingat sa mga bulaang propeta na darating sa Kanyang pangalan, na nagsasabing sila ang Cristo. TKK 128.2

Ngayon, kung kukunin ninyo ang posisyon na hindi mahalaga para sa inyo na maunawaan ang Kasulatan para sa inyong sarili, malalagay kayo sa panganib na matangay ng mga doktrinang ito. Sinabi ni Cristo na magkakaroon ng grupo na sa araw ng paghuhukom ng kagantihan na magsasabi, “Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa Iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa Iyong pangalan, at sa Iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?” Ngunit sasabihin ni Cristo sa kanila, “Hindi Ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa Akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan” (Mateo 7:22, 23).... TKK 128.3

Dumarating ang panahon kung kailan gagawa si Satanas ng mga himala sa inyong paningin, na nag-aangking siya si Cristo; at kung hindi nakatayong matibay ang inyong mga paa sa katotohanan ng Diyos, kung gayo'y matatangay kayo mula sa inyong pundasyon. Ang tanging kaligtasan para sa inyo ay ang magsaliksik para sa katotohanan na tulad sa mga nakatagong kayamanan. Maghukay kayo para sa katotohanan kung paanong naghuhukay kayo para sa kayamanan sa lupa, at ilahad ninyo ang Salita ng Diyos, ang Biblia, sa harapan ng inyong Ama sa langit, at sabihin, Liwanagan Mo ako; turuan Mo ako kung ano ang katotohanan. TKK 128.4

At kapag dumating ang Banal na Espiritu sa inyong mga puso, upang idiin ang katotohanan sa inyong mga kaluluwa, hindi kayo madaling bibitiw. Nagkaroon kayo ng ganitong karanasan sa pagsasaliksik sa Kasulatan, na pinagtitibay ang bawat punto. At mahalagang patuloy kayong nagsasaliksik sa Kasulatan. Dapat na imbakan ninyo ang pag-iisip ng Salita ng Diyos; sapagkat maaari kayong mahiwalay, at malagay kung saan hindi kayo magkakaroon ng pagkakataon na makisama sa mga anak ng Diyos. Kung gayo'y nanaisin ninyo ang mga kayamanan ng Salita ng Diyos na sana'y nakatago sa inyong puso, kailangang dalhin ninyo ang lahat ng bagay sa Kasulatan.— REVIEW AND HERALD, April 3,1888 . TKK 128.5