Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Inihihiwalay ang Tunay Mula sa Bulaan, Abril 28
Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa, at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip. 2 Timoteo 4:3, 4. TKK 127.1
Marami ang sinasabi tungkol sa pagbibigay ng Banal na Espiritu, at ipinapaliwanag ito ng iba sa paraang nagiging pinsala sa mga iglesya. Ang buhay na walang hanggan ay pagtanggap ng mga nabubuhay na elemento sa Kasulatan at pagtupad sa kalooban ng Diyos. Ito'y pagkain sa laman at pag-inom sa dugo ng Anak ng Diyos. Sa kanilang gumagawa nito, dinadala sa liwanag ang buhay at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ebanghelyo, sapagkat ang Salita ng Diyos ay katotohanan, espiritu at buhay. Pagkakataon ng lahat ng nananampalataya kay Jesu-Cristo bilang kanilang personal na Tagapagligtas na manginain sa Salita ng Diyos. Ginagawa ng impluwensiya ng Banal na Espiritu ang Salitang iyon, ang Biblia, na walang hanggang katotohanan, na sa mapanalangining nagsasaliksik ay nagbibigay ng espiritwal na litid at kalamnan. TKK 127.2
“Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan,” inilahad ni Cristo, “sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa Akin” (Juan 5:39). Silang humuhukay sa ilalim ay nakakatuklas ng mga nakatagong hiyas ng katotohanan. Naroon ang Banal na Espiritu kasama ng masikap na nagsasaliksik. Ang liwanag Niya'y nagniningning sa Salita, na idinidiin ang katotohanan sa pag-iisip na may bago at sariwang kahalagahan. Napupuno ang nagsasaliksik ng pagkadama ng kapayapaan at kasiyahan na hindi pa nararamdaman. Nauunawaan ang kahalagahan ng katotohanan sa paraang hindi pa nangyayari. Nagniningning ang isang bago at makalangit na liwanag sa Salita na nililiwanagan ito na para bang ang bawat titik ay nakulayan ng ginto. Ang Diyos mismo ang nangusap sa pag-iisip at sa puso, na ginagawang espiritu at buhay ang Salita. TKK 127.3
Ang bawat tunay na nagsasaliksik ay nagtataas ng kanyang puso sa Diyos, na hinihingi ang tulong ng Espiritu. Hindi nagtatagal ay natutuklasan niya iyong magdadala sa kanya sa ibabaw ng lahat ng mga bulaang pangungusap mula sa kanya na nais magturo, ngunit may mga mahihina at nanginginig na teoryang hindi pinapanatili ng Salita ng nabubuhay na Diyos. Ang mga teoryang ito ay inimbento ng mga tao na hindi pa natutuhan ang unang dakilang aral, na ang Espiritu at buhay ng Diyos ay nasa Kanyang Salita. Kung tinanggap nila sa puso ang walang hanggang elemento na nilalaman sa Salita ng Diyos, makikita nila kung gaano kahina at walang damdamin ang lahat ng pagsisikap na makakuha ng bagong bagay upang makagawa ng damdamin. Kailangan nilang matutuhan ang pinakaunang mga prinsipyo ng Salita ng Diyos.— SELECTED MESSAGES, vol. 2, pp. 38, 39. TKK 127.4