Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

118/366

Napag-iiba ang Katotohanan Mula sa Kamalian, Abril 27

Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, na nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag. 2 Corinto 11:13,14. TKK 126.1

Mabisa ang katotohanan, at sa pamamagitan ng pagsunod sa kapangyarihan nito nababago ang pag-iisip sa wangis ni Jesus. Ang katotohanan kay Jesus ang gumigising sa konsensya at bumabago sa pag-iisip; sapagkat sinasamahan ito ng Banal na Espiritu tungo sa puso. Marami, na kulang sa espiritwal na pagkilala, ay kinukuha ang letra ng Salita, at natatagpuan na kapag hindi sinasamahan ng Espiritu ng Diyos, hindi nito binubuhay ang kaluluwa, hindi nito pinapabanal ang puso. Maaaring bumigkas mula sa Luma at Bagong Tipan, maaaring nalalaman ang mga utos at pangako ng Salita ng Diyos; ngunit malibang ipinapadala ng Banal na Espiritu ang katotohanan sa puso, na nililiwanagan ang pag-iisip ng banal na liwanag, walang kaluluwa na mahuhulog sa Bato at mababasag; sapagkat ang banal na kapangyarihan ang siyang nag-uugnay ng kaluluwa sa Diyos. TKK 126.2

Kung walang pagliliwanag ng Espiritu ng Diyos, hindi natin mapag-iiba ang katotohanan mula sa kamalian, at mahuhulog tayo sa ilalim ng mga matalinong tukso at pandaraya na dinadala ni Satanas sa sanlibutan. Malapit na tayo sa pagtatapos ng paglalaban sa pagitan ng Prinsipe ng kaliwanagan at prinsipe ng kadiliman, at hindi magtatagal susubukin ng mga pandaraya ng kaaway ang ating pananampalataya, kung anong uri ito. Gagawa si Satanas ng mga himala sa paningin ng hayop, at dadayain “ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito sa paningin ng halimaw” (Apoealipsis 13:14). TKK 126.3

Bagama't tatabunan ng kadiliman ang lupa dahil sa gawain ng prinsipe ng kadiliman, at gayundin ang mga tao ng pusikit na kadiliman, ipapakita ng Panginoon ang kapangyarihan Niyang nakakahikayat. Gagampanan sa lupa ang isang gawain na katulad noong naganap sa pagbubuhos ng Banal na Espiritu noong mga araw ng naunang mga alagad, kung kailan ipinangaral nila si Jesus at Siya na napako sa krus. Marami ang mahihikayat sa isang araw; dahil hahayo ang mensahe na may kapangyarihan. Kung gayo'y maaaring sabihin: “Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo” (1 Tesaloniea 1:5). Pinapalapit ng Banal na Espiritu ang mga tao kay Cristo; dahil kinukuha Niya ang mga bagay ng Diyos at ipinapakita ang mga ito sa makasalanan. Sinabi ni Jesus: “Luluwalhatiin Niya Ako, sapagkat Kanyang tatanggapin ang sa Akin, at sa inyo'y ipahahayag Niya” (Juan 16:14).— REVIEW AND HERALD, November 29,1892. TKK 126.4