Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Aquila at Priscila: Mga Sariling Sikap na Misyonero, Setyembre 29
Batiin ninyo si Priscila at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus, na ipinain ang kanilang leeg para sa aking buhay, sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi pati ang lahat ng mga iglesya ng mga Hentil, Roma 16:3, 4, TKK 286.1
Nagbigay si Pablo ng halimbawa laban sa isipang lumalaganap sa iglesya noon, na ang ebanghelyo ay matagumpay lamang na maisasabalikat ng mga taong lubusang hiwalay sa paghahanapbuhay. Ipinakita niya sa praktikal na paraan kung ano ang magagawa ng laykong natatalaga sa mga dakong ang mga tao ay hindi pa nakaaalam ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang landas niya ay naging inspirasyon sa mga maraming hamak na manggagawa na may pagnanais na gawin ang bahagi upang mapalago ang gawain ng Diyos habang naghahanapbuhay sila. TKK 286.2
Sina Aquila at Priscila ay hindi tinawagang magkaloob ng buong panahon sa ministeryo ng ebanghelyo; gayunman ginamit ng Diyos ang mga hamak na manggagawang ito upang ipakita kay Apolo ang lalong sakdal na daan ng kaligtasan. Gumagamit ang Panginoon ng iba't ibang kasangkapan sa pagsasagawa ng Kanyang adhikain; at bagamat ang ilang may natatanging kakayahan ay pinipili upang mag-ukol ng buong kalakasan sa gawain ng pagtuturo at pangangaral ng ebanghelyo, marami pang iba, na hindi napatungan ng kamay sa ordinasyon, ay tinatawagan upang gumanap ng mahalagang papel sa pagliligtas ng kaluluwa. TKK 286.3
May isang malawak na bukiring bukas para sa mga sariling sikap na misyonero. Marami ang makakakuha ng mahahalagang karanasan sa paglilingkod habang kaugnay sa isang gawaing manwal; at sa pamamagitan nito ay makapagpapalago ng malalakas na manggagawa para sa mahalagang paglilingkod sa nangangailangang bukirin. TKK 286.4
Ang lingkod ng Diyos na nagsasakripisyo at walang pagod na gumagawa sa salita at doktrina, ay may pasaning mabigat sa kanyang puso. Hindi niya sinusukat ang paggawa sa bilang ng oras. Ang kanyang sahod ay hindi impluwensiya sa kanyang paggawa, o naililigaw man sa kanyang paggawa dahilan sa hindi mainam na mga kalagayan. Tinanggap niya ang gawain mula sa langit, at sa langit siya nakatanaw para sa ganti sa gawaing ipinagkatiwala sa kanya.— THE ACTS OF THE APOSTLES, pp. 355, 356 . TKK 286.5