Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

272/366

Timoteo, Setyembre 28

Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita: ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway kay, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo. 2 Timoteo 4:1,2. TKK 285.1

Ang banal na tagubiling ito sa isang tapat at masigasig na tulad ni Timoteo ay isang matibay na patotoo sa kahalagahan ng kapanagutan ng gawain ng isang ministro ng ebanghelyo. Sa harapan ng Diyos, tinawagan ni Pablo si Timoteo na ipangaral ang salita, hindi ang mga salawikain at mga kaugalian ng mga tao; na maging handang sumaksi para sa Diyos saanman mayroong pagkakataon—sa harapan ng malaking kongregasyon o pribadong usapan, sa tabi ng painitan o sa lansangan, sa mga kaibigan, o kaaway man, sa kapanatagan o panganib sa kahirapan, sa kahihiyan at kawalan. TKK 285.2

Ang pangambang ang likas ni Timoteo na maamo, banayad at mapagpahinuhod ay maging dahilan ng pag-iwas sa ilang mahalagang sangkap ng gawain, nagpayo si Pablo ukol sa katapatan sa pagsansala sa kasalanan at pagbatikos na matalas sa kanilang hayagang nagkakasala. Gayunman ay dapat itong gawing “may pagtitiyaga at pagtuturo.” Siya ay dapat magpahayag ng pagtitiis at pag-ibig ni Cristo, nagpapaliwanag at nagbibigay ng sansala ayon sa mga katotohanan ng salita. TKK 285.3

Ang mamuhi at magsansala sa kasalanan, at kasabay nito ay maghayag ng habag at pagmamahal sa makasalanan, ay mahirap gawin. Habang lalong masikap tayo sa pagtatamo ng kabanalan ng puso at buhay, lalo namang magiging matalas ang ating pandama sa kasalanan, at lalong maging pasiyahan ang ating pagbatikos sa anumang hiwalay sa matuwid. Dapat tayong magbantay laban sa hindi marapat na higpit sa nagkakamali, ngunit dapat tayong maging maingat na hindi naman mawala sa atin ang pananaw sa lubos na kasamaan ng kasalanan. Kailangang ihayag ang pagtitiis sa pag- ibig ni Cristo sa nagkasala, ngunit may panganib namang magkaroon ng pagpapabaya sa kanyang kasalanan anupa't maiisip ng nagkasalang hindi siya dapat parusahan at ituturing nitong ang parusa ay malupit at walang katarungan.— THE ACTS OF THE APOSTLES, pp. 503, 504 . TKK 285.4