Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

271/366

Pablo, Setyembre 27

“Subalit bumangon ka, at ikaw ay tumindig sapagkat sa layuning ito nagpakita ako sa iyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo” Mga Gawa 26:16. TKK 284.1

Ang banal na pagkahalal na ibinigay kay Pablo, nang pakikipanayam sa kanya ni Ananias ay tinanggap na may bigat na nagdidiin sa kanyang puso. Nang, bilang tugon sa imbitasyong “Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin,” nakita ni Pablo sa unang pagkakataon ang mukha ng taong tapat na ito. Si Ananias sa ilalim ng pamamatnubay ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanya: “Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marining mo ang tinig mula sa kanyang bibig, sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan” (Mga Gawa 22:13-16). TKK 284.2

Ang mga salitang iyon ay kasang-ayon sa mga salita mismo ni Jesus, na, nang harangin Niya sa Saulo sa paglalakbay tungo sa Damasco, ay nagpahayag: “Sa layuning ito nagpakita ako sa inyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila'y isinusugo kita, upang buksan ang kanilang mga mata, at sila'y magbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang makatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng isang pook sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin” (Mga Gawa 26:16-18). TKK 284.3

Habang pinag-iisipan niya ang mga bagay na ito sa kanyang puso, higit pang nadagdagan ang pagkaunawa ni Pablo sa pagkatawag sa kanya na maging “apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos” (Efeso 1:1). Ang pagkatawag sa kanya ay dumating “hindi mula sa mga tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama” (Galaeia 1:1). Ang laki ng gawain sa kanyang harapan ay nagtulak sa kanyang higit na pag-aralan ang Banal na Kasulatan, para kanyang maipangaral ang ebanghelyo “hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan” (1 Corinto 1:17), “kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,” upang ang pananampalataya ng lahat ng nakarinig ay “huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos” (1 Corinto 2:4, 5).— REVIEW AND HERALD, March 30,1911 . TKK 284.4