Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Si Jesus na Ating Panginoon, Setyembre 22
“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako'y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha, Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulad, upang palayain ang mga naaapi, upang ipahayag ang taon ng biyaya mula sa Panginoon” Lucas 4:18,19, TKK 279.1
Hindi nagsabi si Jesus ng mga salitang naghahayag ng Kanyang kahalagahan, o nagpapakita ng Kanyang pagiging mataas; hindi Niya winalang-bahala ang Kanyang kapwa. Hindi Siya nag-angkin ng awtoridad dahil sa Kanyang relasyon sa Diyos, ngunit ang Kanyang salita at kilos ay nagpapakitang Siya ay nag-aangkin ng pagkaalam ng Kanyang misyon at karakter. Nagsasalita Siya ng makalangit na mga bagay bilang isang pamilyar sa lahat ng makalangit na mga bagay. Nagsasalita Siya tungkol sa pagiging malapit at kaisa ng Ama kung paanong nagsasalita ang isang bata ng kanyang kaugnayan sa kanyang mga magulang. Nagsasalita Siya bilang isang naparito upang liwanagan ang sanlibutan ng Kanyang kaluwalhatian. Hindi Niya kailanman tinangkilik ang mga paaralan ng mga Rabi; sapagkat Siya ay guro na sinugo ng Diyos para magturo sa sangkatauhan. Bilang isang katatagpuan ng lahat ng kapangyarihang nagpapanauli, nagsalita si Cristo tungkol sa pagpapalapit ng lahat ng mga tao sa Kanya, at tungkol sa buhay na walang hanggan. Sa Kanya ay mayroong kapangyarihang magpagaling ng lahat ng pisikal at lahat ng espiritwal na mga karamdaman. TKK 279.2
Naparito si Cristo sa ating sanlibutan na may kamalayan ng higit pa sa kadakilaan ng tao, para tapusin ang gawain na kung saan magiging walang hangganan ang resulta nito. Saan mo Siya matatagpuan na ginagawa ang gawaing ito? Sa bahay ni Pedro na mangingisda. Nagpapahinga sa balon ni Jacob, na nagsasabi sa babaeng Samaritana tungkol sa tubig ng buhay. Karaniwan Siyang nagtuturo sa labas, ngunit minsan ay sa Templo, sapagkat dumadalo Siya sa pagtitipon ng mga Judio. Ngunit pinakamadalas na nagtuturo Siya kapag nauupo sa gilid ng bundok, o sa bangka ng mangingisda. Ang kanyang pakikiramay ay sa mga nangangailangan, nagdurusa, ang mga hinahamak; at marami ang mga naakit sa Kanya. TKK 279.3
Nang nailatag ang panukala ng kaligtasan, napagdesisyunang si Cristo ay hindi dapat makita ayon sa Kanyang anyong Diyos; sapagkat hindi Siya maaaring makisama sa mga napipighati at nagdurusa. Kailangang pumarito siya bilang isang mahirap. Maaari Siyang magpakita ayon sa Kanyang mataas na kalagayan sa makalangit na patyo; ngunit hindi, kailangan Niyang abutin ang pinakamababang kalagayan ng pagdurusa at kahirapan ng tao, upang marinig ng mga nabibigatan at nabigo ang Kanyang tinig.— SIGNS of THE TIMES, June 24,1897 . TKK 279.4