Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

265/366

Juan Bautista, Setyembre 21

Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sinabi niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias,’ ” Juan 1:22,23. TKK 278.1

Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay wala pang lumitaw ni isa na higit na dakila kaysa kay Juan na Tagapagbautismo” (Mateo 11:11). Nang ibalita kay Zacarias ang panganganak kay Juan, ay ganito ang ipinahayag ng angel, “Siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon” (Lueas 1:15). Sa tingin ng Langit, ano ba ang bumubuo sa kadakilaan? Hindi yaong itinuturing ng sanlibutan na kadakilaan; hindi kayamanan, o katungkulan, o maharlikang angkang pinagmulan, o mga kaloob na katalinuhan. Kung kadakilaan ukol sa katalinuhan ang karapatdapat na parangalan, na hindi na gagawa ng anumang lalong mataas na pagsasaalang-alang, kung gayon ay si Satanas ang dapat nating pintuhuin, sapagkat hindi pa kailanman napapantayan ng sinumang tao ang kapangyarihan ng kanyang katalinuhan. TKK 278.2

Subalit kapag ibinabaling sa paglilingkod sa sarili, ang lalong malaking kaloob, ay nagiging lalong malaking sumpa. Ang mabuting asal o kaugaliang wagas ay siyang pinahahalagahan ng Diyos. Pag-ibig at kalinisan ang mga katangiang higit na pinahahalagahan Niya. Dakila si Juan sa paningin ng Panginoon, nang sa harap ng mga inutusan ng Sanedrin, sa harap ng mga tao, at sa harap ng sarili niyang mga alagad, ay hindi niya hinanap ang siya'y papurihan o parangalan, kundi itinuro niya si Jesus bilang siyang Isa na Ipinangako. Ang kanyang di-makasariling kaligayahan sa paglilingkod kay Cristo ay naghahayag ng pinakamataas na uri ng kadakilaan na kailanma'y naihayag na sa tao. TKK 278.3

Nang siya'y mamatay, ang patotoo ng mga nakarinig sa mga sinabi niya tungkol kay Jesus, ay “Si Juan ay hindi gumagawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo” (Juan 10:41). Hindi ipinagkaloob kay Juan ang siya'y makapagpababa ng apoy buhat sa langit, o ang bumuhay man ng patay, na gaya ni Elias, ni gumamit man ng tungkod ng kapangyarihan ni Moises sa pangalan ng Diyos. Isinugo siya upang ibalita ang pagdating ng Tagapagligtas, at upang tawagan ang mga tao na magsihanda sa Kanyang pagdating. Gayon na lamang ang katapatan niya sa pagtupad ng kanyang gawain, na anupa't nang magunita ng mga tao ang mga itinuro niya sa kanila tungkol kay Jesus, ay nasabi nilang, “Lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.” Sa ganyang pagsaksi kay Cristo tinatawagan ang bawat alagad ng Panginoon. — THE DESIRE OF AGES, pp. 219,220 . TKK 278.4