Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Zerubabel at Zacarias, Setyembre 20
Noon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila. Nang magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila. Ezra 5:1,2. TKK 277.1
Sa muling pagtatayo ng tahanan ng Panginoon, napaliligiran si Zerubabel ng maraming kahirapan. Na nakaraang mga taon, ang mga kaaway ay “pinanlupaypay ng mga tao ng lupain ang taongbayan ng Juda, at tinakot silang magtayo,” “at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan” (Ezra 4:4, 23). Ngunit namagitan ang Panginoon para sa mga tapat na mga tagapagtayo, at ngayon ay nagsasalita Siya sa pamamagitan ng Kanyang propeta, si Zacarias, tungo kay Zerubabel, na nagsasabing, “‘Hindi sa pamamagitan ng lakas, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ano ka, O malaking bundok? Sa harapan ni Zerubabel ay magiging kapatagan ka; at kanyang ilalagay ang pangunahing bato na may pagsisigawan ng, “Biyaya, biyaya sa kanya” (Zacarias 4:6, 7). TKK 277.2
Sa buong kasaysayan ng bayang ng Diyos, ang malalaking mga bundok ng kahirapan, na parang hindi malulutas, ay naglaho sa harapan niyaong umuusad sa pagbubukas ng pagkakaloob ng Diyos. Ang gayong mga hadlang para magpatuloy ay pinahihintulutan ng Panginoon bilang pagsubok sa pananampalataya. Kapag nababakuran tayo sa bawat gilid, ito ang oras higit kaysa iba pa na magtiwala sa Diyos at sa kapangyarihan ng Kanyang banal na Espiritu. Hindi tayo lalakad sa sarili nating kalakasan, sa halip ay sa kalakasan ng Panginoong Diyos ng Israel. Isang kahangalan na magtiwala satao o gawing bisig ang laman. Dapat tayong magtiwala kay Jehova; sapagkat sa Kanya ay may walang hanggang kalakasan. Ang Isa na, bilang tugon sa salita at gawa ng pananampalataya, ginawang patag ang daan sa harapan ni Zerubabel, ay magagawang alisin ang lahat ng hadlang na binalangkas ni Satanas para pisilin ang paglago ng Kanyang gawain. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng nagpepreserbang pananampalataya, maaalis ang lahat ng bundok ng kahirapan. TKK 277.3
Minsan ay sinasanay ng Diyos ang Kanyang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila sa panghihina at tila kabiguan. Kanyang layunin na kanilang matutuhang masanay sa kahirapan. Kanyang sinisikap na pasiglahin sila taglay ang determinasyong gawin ang lahat ng tila kabiguan na maging isang tagumpay.— REVIEW AND HERALD, January 16,1908 . TKK 277.4