Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

261/366

Daniel, Setyembre 17

Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia, Daniel 2:48, TKK 274.1

Ang ipahayag si Cristo ay higit pa sa pagpapatotoo sa mga pagtitipon. Si Daniel ay halimbawa sa mga naniniwala kung paano patotohanan si Cristo. Mayroon siyang mataas na posisyon ng pagiging punong ministro sa kaharian ng Babilonia, at mayroong mga naiinggit kay Daniel sa mga dakilang tao ng hukuman, at nagnanais silang makakita ng anuman laban sa kanya upang makapag-akusa sila sa hari laban sa kanya. Ngunit siya'y tapat na mambabatas, at hindi sila makatagpo ng kapintasan sa kanyang karakter o buhay. TKK 274.2

“Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, ‘Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos’” (Daniel 6:5). Kaya't nagkasundo silang hingin sa hari na gumawa ng batas na walang sinuman ang magpapahayag ng kanyang panalangin sa alinmang Diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw kundi sa hari lamang, at kung ang sinuman ang lalabag sa utos na ito, itatapon siya sa mga leon. TKK 274.3

Ngunit si Daniel ba ay tumigil manalangin dahil ang kautusang ito ay ipinipilit? Hindi, iyon lalo ang panahong kailangan niyang manalangin. TKK 274.4

“Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa” Hindi itinago ni Daniel ang katapatan niya sa Diyos. Hindi siya nanalanging tahimik, sa halip ay sa malakas na tinig, na bukas ang kanyang bintana na nakaharap sa Jerusalem, ay dinala niya ang kanyang kahilingan sa langit. . . . TKK 274.5

Malalaman natin na kung ang ating buhay ay nakatago kasama ni Cristo sa Diyos, kapag dinala tayo sa pagsubok dahil sa ating pananampalataya, ay makakasama natin si Jesus. Kapag dinala tayo sa mga pinuno at mga opisyal para sumagot sa ating pananampalataya, paliliwanagin ng Espiritu ng Panginoon ang ating pagkaunawa, at magagawa nating pasanin ang patotoo sa ikaluluwalhati ng Diyos. At kung tinawagan tayo para magdusa para kay Cristo, magagawa nating harapin ang pagkakulong na nagtitiwala sa Kanya gaya ng batang nagtitiwala sa kanyang mga magulang. Ngayon ang panahon na palaguin ang pananampalataya sa Diyos.— REVIEW AND HERALD, May 3,1892 . TKK 274.6