Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

259/366

Jeremias, Setyembre 15

Ngayon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin na sinasabi, “Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita, at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga; hinirang kitang propeta sa mga bansa” Jeremias 1:4, 5, TKK 272.1

Nagbigay ang Panginoon kay Jeremias ng mensahe ng pagsaway na dadalhin niya sa Kanyang bayan, na sinisingil sila sa patuloyna pagtanggi sa mga payo ng Diyos, na nagsasabing, “Paulit-ulit akong nagsalita sa inyo ngunit hindi ninyo ako pinakinggan. Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo sila na nagsasabi, ‘Ngayon ay humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, baguhin ninyo ang inyong mga gawa, at huwag kayong sumunod sa mga ibang diyosupang maglingkod sa kanila. Kung gayo'y maninirahan kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno’” (Jeremias 35:14, 15). TKK 272.2

Nakiusap ang Diyos sa kanila na huwag pupukawin ang Kanyang galit sa gawa ng kanilang mga kamay at puso; ngunit “hindi ninyo ako pinakinggan.” Pagkatapos ay hinulaan ni Jeremias ang pagkabihag ng mga Judio, bilang kanilang parusa sa hindi pagtugon sa salita ng Panginoon. Ang mga Caldeo ay gagamitin bilang instrumento para parusahan ng Diyos ang bayang hindi sumusunod sa Kanya. Ang kanilang parusa ay ayon sa sukat ng kanilang kaalaman, at mga babalang kanilang tinanggihan. Matagal nang ipinagpapaliban ng Panginoon ang Kanyang mga hatol, dahil sa hindi Niya ninanais na ipahiya ang Kanyang pinilang bayan, ngunit ngayon sila ay Kanyang dadalawin ng Kanyang galit bilang huling pagsisikap na siyasatin sila sa kanilang masamang lakad. TKK 272.3

Sa mga huling panahong ito Siya ay hindi gumawa ng bagong panukala para panatilihin ang kalinisan ng Kanyang bayan. Nakikiusap Siya sa mga nagkakamali na kumikilala sa Kanyang pangalan na magsisi at tumalikod sa masama nilang mga gawain sa gayon din na paraan na ginawa Niya noong una. Kanyang hinulaan ang panganib sa harapan nila sa pamamagitan ng bibig ng Kanyang piniling lingkod ngayon na gaya noon. Kanyang ipinarinig ang panawagan ng babala, at sinaway ang kasalanan na may katapatan gaya ng mga panahon ni Jeremias. Ngunit ang Israel ng ating kapanahunan ay may gayunding mga tukso na pagtawanan ang saway at kamuhian ang payo na gaya ng ginawa ng lumang Israel. Madalas rin silang magsarado ng pandinig sa mga salita na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga lingkod para sa kapakinabangan ng mga nagpapahayag ng katotohanan.— SIGNS of THE TIMES, February 12,1880. TKK 272.4