Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

257/366

Eliseo, Setyembre 13

Nang sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu” 2 Mga Hari 2:9. TKK 270.1

May matututuhan tayong mahalagang aral mula sa mga karanasan ni propeta Eliseo. Pinili ng Panginoon si Eliseo bilang katulong ni Elias at sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagsubok ay pinatunayan niyang totoo siya sa kanyang tungkulin. Pumayag siya na maging at gawin ang anuman na inutos ng Panginoon. Hindi niya tinanggihan ang pinakamababang paglilingkod, sa halip ay tapat sa pagsasagawa ng mas maliit na tungkulin na gaya ng malalaking mga responsibilidad. Siya'y laging handang maglingkod sa anumang posisyon na itinuturo sa kanya ng Panginoon, gaano man ito kakaiba sa kanyang mga kinahiligan. At sa bawat hakbang ay natutuhan niya ang aral ng pagpapakumbaba at paglilingkod. . . . TKK 270.2

“Nang sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, ‘Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo’ At sinabi ni Eliseo, ‘Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu’” Hindi siya humingi ng makasanlibutang pagkilala, para sa mataas na lugar kasama ng mga dakilang tao sa sanlibutan. Ang kanyang pinananabikan ay ang dobleng takal ng Espiritu na ibinibigay sa isang kikilalanin ng Diyos sa pamamagitan ng pagdadala sa langit. Nalalaman niyang tanging ang dobleng takal ng Espiritu na mayroon si Elias ang magpapaging karapatdapat sa kanya para pumalit sa lugar ni Elias, dahil si Elias ay nagtataglay ng karanasan at karunungan ng edad, na hindi maibibigay sa kabataan sa kahit anong paraan. . . . TKK 270.3

Nang ang Panginoon sa kanyang kalooban ay makitang nararapat tanggalin mula sa Kanyang gawain yaong mga binigayan Niya ng karunungan, Kanyang tinutulungan at pinalalakas ang kapalit niya, kung siya'y titingin sa Kanya para sa tulong at lalakad sa Kanyang mga daan. Maaaring maging mas marunong sila sa mga nauna sa kanila; sapagkat maaari silang makinabang mula sa kanilang karanasan at magkaroon ng karunungan mula sa kanilang mga kamalian. TKK 270.4

May espesyal na pangangalaga ang Panginoon sa Kanyang iglesya. Silang mga naghahanap na karunungan mula sa Kanya ay magiging mga liwanag sa sanlibutan, na lalong nagliliwanag hanggang sa katanghaliang tapat.— MANUSCRIPT, no. 114, p. 1901 . TKK 270.5