Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Noe, Setyembre 2
At sinabi ng PANGINOON kay Noe, “Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito,” Genesis 7:1, TKK 259.1
Sa mga kaarawan ni Noe, ang kasamaan ng sanlibutan ay naging napakalaki hanggang sa hindi na ito matiis ng Diyos; at Kanyang sinabi, “Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa” (Genesis 6:7). Ngunit kinaawaan niya ang lahing iyon, at sa Kanyang pag-ibig ay nagkaloob ng takbuhan para sa mga tatanggap nito. Nagbigay Siya ng mensahe kay Noe para ibigay sa mga tao: “Ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao” (talatang 3). TKK 259.2
Inutusan si Noe na gumawa ng arka, at kasabay nito ay ipangaral na magpapadala ang Diyos ng baha ng tubig sa sanlibutan para wasakin ang masasama. Yaong maniniwala sa mensahe, at maghahanda sa mangyayari sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbabago, ay makatatagpo ng kapatawaran at maliligtas; ngunit ang patuloy na pagtanggi sa mga pakiusap at mga babala mula sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang lingkod na si Noe ay ihihiwalay sila mula sa Diyos, at bilang resulta ang walang hanggang kaawaan at pag-ibig ay titigil sa mga pagsusumamo. TKK 259.3
Ang Espiritu ng Diyos ay nagpatuloy sa pagsisikap sa nagrerebeldeng mga tao hanggang ang panahong ibinigay ay malapit nang matapos, nang pumasok sa arka si Noe at ang kanyang pamilya, at sinarado ng kamay ng Diyos ang pintuan nito. Ang kaawaan ay tumigil mula sa ginintuang trono, at hindi na mamamagitan para sa nagkasalang makasalanan. TKK 259.4
Ang lahat ng mga tao ng henerasyong iyon ay hindi mga hentil na sumasamba sa mga idolo sa kabuuan ng kahulugan nito. Marami ang may kaalaman tungkol sa Diyos at ng Kanyang kautusan, ngunit hindi lamang sa sarili nila tinanggihan ang mensahe ng tapat na mangangaral ng katuwiran, sa halip ay ginamit ang lahat nilang impluwensiya para pigilan ang iba na maging masunurin sa Diyos. Sa lahat ay dumarating ang araw ng pagsubok at pagtitiwala. Ang henerasyong iyon ay nagkaroon ng araw ng oportunidad at pribilehiyo habang ipinaririnig ni Noe ang babala ng darating na pagkawasak; ngunit isinuko nila ang kanilang mga kaisipan sa pagpigil ni Satanas sa halip na sa Diyos, at sila'y dinaya nila gaya ng ginawa niya sa ating mga naunang mga magulang. Kanyang inilagay sa kanila ang kadiliman at kasinungalingan na kapalit ng liwanag at katotohanan, at kanilang tinanggap ang kanyang madayang argumento at kasinungalingan, dahil ito'y katanggap-tanggap sa kanila, at kasang-ayon sa kanilang maruming mga buhay, habang tinanggihan bilang isang kahibangan ang katotohanang makapagliligtas sa kanila.— SIGNS OF THE TIMES, April 1,1886. TKK 259.5