Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Liwanag na Nananatili Hanggang sa Wakas, Agosto 30
At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon,” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila,” Apoealipsis 14:13. TKK 255.1
Saganang liwanag ang naipagkaloob sa atin sa mga huling panahong ito. Mapanatili man ang aking buhay o hindi, patuloy na magsasalita ang aking mga sinulat, at ang gawain nito ay susulong hanggang hindi natatapos ang panahon. Ang aking mga sinulat at naingatan sa talaksan sa opisina, at kahit ako'y hindi na nabubuhay, ang mga salitang ito na naibigay sa akin ng Panginoon ay magkakaroon pa rin ng buhay at magsasalita sa mga tao. Ngunit nananatili pa rin ang aking lakas, at umaasa akong makapagpatuloy na gumawa ng higit pang mapapakinabangang gawain. Maaring mabuhay ako hanggang sa pagdating ng Panginoon; ngunit kung hindi na, nagtitiwala ako na sasabihin tungkol sa akin, “‘Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon’ ‘Oo,’ sinasabi ng Espiritu, ‘sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila’” . . . TKK 255.2
Nagpapasalamat ako sa Diyos sa kasiguruhan ng Kanyang pag-ibig, at dahil mayroon ako ng Kanyang pangunguna at gabay araw-araw. Talagang abala ako sa aking pagsusulat. Maaga at kapag gabi na, aking isinusulat ang mga bagay na inihahayag sa akin ng Panginoon. Ang pasanin ng aking gawain ay ihanda ang mga tao na tumayo sa araw ng Panginoon. Sigurado ang pangako ni Cristo. Hindi na magtatagal ang panahon. Dapat tayong gumawa at magbantay at maghintay sa Panginoong Jesus. Tinawagan tayo na maging matatag, hindi magagalaw, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon. Ang pundasyon ng lahat ng ating pag-asa ay na kay Cristo. TKK 255.3
Ang atin bang mga tao ay tinitingnan ang nakalipas at ang kasalukuyan at ang darating, sa pagbubukas nito sa harapan ng sanlibutan? Kanila bang dinirinig ang mga mensahe ng babala na ibinigay sa kanila? Atin bang pinakamalaking isipin ngayon na ang ating mga buhay ay malinang at linisin, at ating ilarawan ang pagkakatulad sa Diyos? Ito dapat ang maging karanasan ng nakikibahagi sa grupo ng nahugasan at pinaputi sa dugo ng kordero. Sila'y dapat magayakan sa katuwiran ni Cristo. Dapat nakasulat sa kanilang mga noo ang Kanyang pangalan.— SELECTED MESSAGES, vol. 1, pp. 55, 56. TKK 255.4