Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Payo sa mga Tagapanguna, Agosto 25
Na pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos, ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig. 1 Pedro 5:2. TKK 250.1
Inatasang akong sabihin sa ating mga naglilingkod na mga kapatid, Hayaang maglaman ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos ang mga mensaheng lumalabas sa inyong mga labi. Kung may panahon man kung kalian nangangailangan tayo ng espesyal na patnubay ng Banal na Espiritu, iyon ay ngayon. Kailangan natin ng lubusang pagtatalaga. Napapanahon nang ating ibigay sa sanlibutan ang kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos sa sarili nating mga buhay at sa ating mga paglilingkod. TKK 250.2
Nais ng Diyos na makita ang gawain ng pagpapahayag ng mensahe ng tatlong anghel na isinusulong na may lumalagong kasanayan. Kung paanong Siya'y gumawa sa lahat ng henerasyon para magbigay ng tagumpay sa Kanyang bayan, gayundin sa panahong ito nais Niyang magdala ng matagumpay na pagsasagawa ng mga layunin Niya para sa iglesya. Pinakikiusapan Niya ang Kanyang mga banal na naniniwala na magkakaisang sumulong, na patungo mula sa kalakasan hanggang sa higit na kalakasan, mula sa pananampalataya tungo sa dinagdagang katiyakan at pagtitiwala sa katotohanan at katuwiran ng Kanyang gawain. TKK 250.3
Tayo ay tatayong matibay na gaya ng bato sa mga prinsipyo ng Salita ng Diyos, na inaalaalang kasama natin ang Diyos para magbigay lakas para harapin ang panibagong mga karanasan. Patuloy nating panatilihin sa ating mga buhay ang mga prinsipyo ng katuwiran, upang makasulong tayo mula sa kalakasan tungo sa kalakasan sa pangalan ng Panginoon. Dapat nating panghawakan bilang napakabanal ang pananampalatayang pinatunayan ng tagubilin at pagsangayon ng Espiritu ng Diyos mula sa pinakauna nating mga karanasan hanggang sa kasalukuyang panahon. Kailangang mahalin natin bilang napakahalaga ang gawaing isinusulong ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang bayang nagiingat ng kautusan, at siya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang biyaya, ay magiging malakas at higit na mahusay sa paglipas ng panahon. TKK 250.4
Nagsisikap ang kaaway na palabuin ang pag-unawa ng bayan ng Diyos, at pahinain ang kanilang kakayahan, ngunit kung gagawa sila sa pag-gabay ng Espiritu ng Diyos, magbubukas Siya ng mga pintuan ng oportunidad sa harapan nila para sa gawain ng pagpapatatag ng mga lumang nasasayang na mga lugar. Ang kanilang karanasan ay magiging isa na patuloy ang paglago, hanggang sa bumaba ang Panginoon mula sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian para ilagay ang Kanyang selyo ng kahulihang pagtatagumpay sa Kanyang mga tapat.— REVIEW AND HERALD, June 12,1913. TKK 250.5