Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Ministeryo Para sa Kagalingan, Agosto 22
Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol. Mateo 9:35, 36. TKK 247.1
Nagsagawang patuloy ang Panginoon ng mga gawa ng maibiging paglilingkod, at ito ang dapat gawin ng bawat ministro ng ebanghelyo. Itinalaga Niya tayo bilang Kanyang kinatawan, para dalhin ang Kanyang gawain sa sanlibutan. Sa lahat ng tunay at nagsasakripisyong manggagawa ay ibinigay ang utos “At sinabi niya sa kanila, ‘Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha’” (Mareos 16:15). TKK 247.2
Maingat na basahin ang ibinigay na utos sa Bagong Tipan. Ang gawaing ginawa ng Dakilang Guro kasama ang Kanyang mga alagad ay siyang halimbawang dapat nating sundin sa gawaing medikal na pagmimisyon. Ngunit sinundan ba natin ang halimbawang ito? Dapat ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan sa bawat nayon, bayan, at siyudad. Ngunit nasaan ang mga misyonero? Itinatanong ko sa pangalan ng Diyos, Nasaan ang mga manggagawang kasama ng Diyos? TKK 247.3
Tanging sa pamamagitan ng hindi makasariling interes sa mga nangangailangan ng tulong na tayo ay makapagbibigay ng praktikal na pagpapahayag ng mga katotohanan ng ebanghelyo. “Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw- araw, at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, ‘Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,’ subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon? Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:15-17). “At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag- ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig” (1 Corinto 13:13). TKK 247.4
Higit pa sa pagsesermon ang kasama sa pangangaral ng ebanghelyo. Kailangang maliwanagan ang mga walang alam; dapat maiangat ang mga nanghihina; pagalingnin ang mga may sakit. Kailangang gawin ng tinig ng tao ang bahagi nito sa gawain ng Diyos. Dapat sumaksi sa katotohanan ang mga salita ng kahinahunan, pakikiramay, at pag-ibig. Ang maalab at taospusong mga panalangin ay maglalapit sa mga anghel. TKK 247.5
Ang pag-eebanghelyo ng sanlibutan ay gawaing ibinigay ng Diyos doon sa mga humahayo sa Kanyang pangalan. Magiging mga kamanggagawa sila kasama ni Cristo, na inihahayag ang Kanyang magiliw at maawaing pag-ibig doon sa mga handang mapuksa.— REVIEW AND HERALD, March 4, 1902. TKK 247.6