Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Ang Gawain ng Paglilimbag, Agosto 21
At sinabi nila sa akin, “Kailangang muli kang magpahayag ng propesiya tungkol sa maraming mga bayan at mga bansa, mga wika at mga hari,” Apocalipsis 10:11, TKK 246.1
Naitatag ang ating gawain ng paglilimbag sa pamamahala ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang pangangasiwa. Idinisenyo ito para isagawa ang isang tiyak na layunin. Ang Adventista ay pinili ng Diyos bilang tanging bayan, hiwalay sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng dakilang talim ng katotohanan Kanyang pinutol ang mga ito mula sa tibagan ng sanlibutan at dinala sila sa pakikipag-ugnayan sa Kanyang sarili. Ginawa Niya silang Kanyang mga kinatawan at tinawagan silang maging mga ambasador para sa kanya sa huling gawain ng kaligtasan. Ang pinakadakilang kayamanan ng katotohanan na ipinagkatiwala sa mga mortal, ang pinakataimtim at nakatatakot na mga babala na ipinadala ng Diyos sa tao, ay ipinagkatiwala sa kanila para ipagkaloob sa sanlibutan; at ang pagsasakatuparan ng gawaing ito ang ating mga palimbagan ay kasama sa mga pinaka-epektibong mga ahensiya. TKK 246.2
Titindig ang mga institusyong ito bilang mga saksi para sa Diyos, tagapagturo ng katuwiran sa mga tao. Hahayo mula sa kanila ang katotohanan bilang ilawang nagliliwanag. Gaya ng malaking liwanag sa parola sa mapanganib na baybayin, patuloy silang nagbibigay ng sinag ng liwanag sa kadiliman ng sanlibutan, para magbabala sa mga tao sa mga panganib na nagbabanta sa kanila ng pagkawasak. TKK 246.3
Ang mga lathalain na inilalabas mula sa ating mga palimbagan ay maghahanda sa mga tao na makaharap sa Diyos. Sa buong sanlibutan kailangan nilang gawin ang gayunding gawain na ginawa ni Juan Bautista para sa bansang Israel. Sa pamamagitan ng nakatatakot na mga mensahe ng babala, ginising ng propeta ng Diyos ang mga tao sa makasanlibutang panaginip. Sa pamamagitan nila tinawag ng Diyos na magsisi ang mga tumalikod na Israel. Sa pamamagitan ng kanyang pagpapahayag ng katotohanan kanyang naihayag ang mga kilalang delusyon. Kabaliktaran sa mga maling teorya ng kanyang panahon, tumatayo ang katotohanan sa mga aral na ito bilang walang-hanggang kasiguruhan. “Magsisi kayo; saspagkat malapit na ang kaharian ng langit,” ang mensahe ni Juan (Mateo 3:2). Ang mensahe ring ito, sa pamamagitan ng lathalain mula sa ating mga palimbagan, ay dapat ibigay sa sanlibutan ngayon.— TESTIMONIES FOR THE cHURCH, vol. 7, pp. 138,139 . TKK 246.4