Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Pinangakong Patnubay Para Makita ang Iyong Kaloob, Hulyo 30
Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu, 1 Corinto 12:11, TKK 223.1
Papatnubayan at pangungunahan tayo ng gayunding Espiritu, ngunit para mangyari ito, hindi kinakailangang magkaroon tayo ng parehong mga kaloob. “May iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat” (1 Corinto 12:4-6), para madala ang mga magkakaibang pagsasagawa sa sakdal na pagkakasundo. Inilagay ng Diyos “ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya” (talata 18). Inilagay Niya ang bawat tao sa kanyang lugar ng tungkulin, itinatakda sa kanya ang isang gawain. Kung mayroon kang katanungan tungkol sa iyong tungkulin, manalangin sa Diyos para sa patnubay, at maibibigay ang iyong gawain. Maliwanag na sinabi sa atin ng Diyos na inilagay Niya ang bawat tao sa kanyang himpilan. “Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu, sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu. Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika. Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu” (1 Corinto 12:8-11). TKK 223.2
“Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. . . . ‘Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao’ . . . Pinagkaloob niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro; upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:7-13). Dito ang mga miyembro ng iglesya ng Diyos ay kumikilos sa kanilang iba't ibang mga bahagi, ang lahat ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng dakilang Manggagawa, na siyang nakaaalam kung ano ang dapat gawin ng bawat isang naglilingkod sa Kanya para masapatan ang mga pangangailangang lilitaw.— BIBLE TRAINING SCHOOL, April 1,1903 . TKK 223.3