Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

210/366

Bawat Lalaki, Babae, at Anak Ay May Responsibilidad, Hulyo 28

Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento” Sinabi sa kanya ng panginoon niya, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” Mateo 25:20,21. TKK 221.1

Ang talinghaga tungkol sa mga talento ay isang bagay na nanga-ngailangan ng higit na pag-iingat at pag-aaral na may pananalangin; sapagkat ito'y may personal at indibidwal na aplikasyon sa bawat lalaki, babae, at anak na tinataglay ang kapangyarihan ng pagiisip. Ang iyong obligasyon at responsibilidad ay ayon sa sukat ng mga talentong ibinigay sa iyo ng Diyos. Bawat isang tagasunod ni Cristo ay may pananagutan sa Dios sa paggamit ng kanilang espesyal na kaloob. TKK 221.2

Marami ang nagdadahilan sa kanilang sarili mula sa paggamit ng kanilang kaloob sa paglilingkod kay Cristo, dahil ang iba ay nagtataglay ng higit na mataas na kaloob at mga pakinabang. Nananaig ang opinyon na tanging ang mga may espesyal na talento lamang ang kinakailangang magtalaga ng kanilang mga kakayahan sa paglilingkod sa Diyos. Naging kaisipan na ang talento ay ipinagkaloob lamang sa ilang napaborang grupo, na inihihiwalay ang iba, na siyempre, ay hindi tinawag upang makibahagi sa hirap at sa gantimpala. Ngunit hindi gayon ang ipinakikita sa talinghaga. Nang tinawag ng panginoon ng bahay ang Kanyang mga lingkod, nagbigay Siya ng gawain sa bawat tao. TKK 221.3

Ang buong pamilya ng Diyos ay responsable sa paggamit ng mga ari-arian ng kanilang Panginoon. Ang bawat isa mula sa pinakamababa at pinakamahirap hanggang sa pinakadakila at pinakamarangal, ay isang moral na kinatawan na pinagkalooban ng kakayahan kung saan siya ay may sagutin sa Diyos. Sa mataas man o sa mababang antas, ang lahat ay inilagay na may tungkulin sa kanilang talento ng kanilang Panginoon. Ang espiritwal, mental, at pisikal na abilidad, at impluwensiya, posisyon, pag-aari, damdamin, simpatya, ang lahat ay mahalagang mga talento na dapat gamitin sa layunin ng Panginoon sa ikaliligtas ng mga kaluluwang dahilan ng pagkamatay ni Cristo. Iilan lamang ang nagpapahalaga sa mga pagpapalang ito! Iilan lamang ang nagsisikap na palaguin ang kanilang talento, at dagdagan ang pagiging epektibo nila sa mundo! Ibinigay ng Panginoon sa bawat tao ang kanyang gawain. Ibinigay Niya sa bawat tao ayon sa kanyang kakayahan, at ang kanyang pagtitiwala ay ayon sa sukat ng kanyang kapasidad. Hinihingi ng Diyos na maging manggagawa sa Kanyang bukid ang bawat isa. Kailangang pasanin mo ang gawain na inilagay Niya sa iyong pangangasiwa, at gawin itong may katapatan.—REVIEW AND HERALD, May 1,1888. TKK 221.4