Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Walang Kaloob ang Nakahihigit o Mas Mababa, Hulyo 20
“Tulad ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay” Mareos 13:34. TKK 213.1
Naglilingkod si Jesus sa santuaryo sa langit, ngunit siya'y kasama rin ng Kanyang mga lingkod, sapagkat Kanyang sinabi, “Ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:20). Siya ang tagapamahala ng Kanyang iglesya sa sanlibutan, at Kanyang ninanasang makita ang mga miyembro na mapuno ng determinasyon para gumawang magkakasundo para sa paglago ng Kanyang kaharian. Siya'y nagbangon ng magkakahaliling mga manggagawa na tumanggap ng awtoridad mula sa Kanya, ang Dakilang Guro. Kanyang pinili para sa Kanyang gawain ang mga taong may magkakaibang mga talento at magkakaibang mga kakayahan. Ang ilan sa mga ito ay maaaring hindi ang mga taong pipiliin mo, ngunit dadaan ka sa isang karanasang aakay sa iyong makita na ang Diyos ay nagtataas ng mga taong maituturing na mababa sa iyong sarili. TKK 213.2
Kapag nag-umpisa na ang paghatol, at nangabuksan ang mga aklat, marami ang mabibigla sa pagtingin ng Diyos sa karakter. Kanilang mauunawaang ang Diyos ay tumitingin hindi sa pagtingin ng tao, na Siya'y humahatol hindi sa kung paano humahatol ang mga tao. Nababasa Niya ang puso. Alam Niya ang mga motibong nagtutulak sa kilos, at kinikilala Niya at pinupuri ang bawat tapat na pagsisikap na ibinibigay para sa Kanya. Gumagamit ng iba't ibang mga kaloob ang Diyos sa Kanyang gawain. Huwag isipin ng sinumang manggagawa ang mga kaloob niya ay nakahihigit sa ibang mga manggagawa. Hayaanag ang Diyos ang maging hukom. Kanyang sinusubok at inaaprubahan ang Kanyang mga manggagawa, at naglalagay Siya ng matuwid na sukat ng kanilang pagiging nararapat. Inilagay Niya sa iglesya ang iba't ibang mga kaloob, para matugunan ang magkakaibang pangangailangan ng maraming mga kaisipan kung saan ang Kanyang mga manggagawa ay nakikipag-ugnayan. TKK 213.3
Nagbigay ang Panginoon sa bawat tao ng kanyang gawain, at dapat gawin ng bawat tao ang gawaing ibinigay sa kanya ng Panginoon. Ang lahat ay walang magkakaparehong mga kaloob o parehong kaugalian. Ang lahat ay nangangailangang makaramdam ng bumabagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu, upang lalo silang magbunga para sa Panginoon. Hindi ang isang nangangaral ng ebanghelyo ang nagkakaloob ng husay na gumagawa sa kanyang mga pagsisikap na maging matagumpay. Ito ay ang hindi nakikitang Manggagawa na nakatayo sa likod ng ministro na nagdadala ng matibay na paniniwala at pagbabago sa mga kaluluwa.— BIBLE TRAINING SCHOOL, November 1, 1909 . TKK 213.4