Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Pangkaraniwang mga Indibidwal na Nabigyan ng mga Kakayahan Para Maglingkod, Hulyo 19
Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang PANGINOON na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang PANGINOON ay tumitingin sa puso” 1 Samuel 16:7, TKK 212.1
Hindi tinatanggap ng Diyos ang tao dahil sa kanyang mga kakayahan, sa halip ay dahil hinahanap nila ang Kanyang mukha, na ninanais ang Kanyang tulong. Tumitingin ang Diyos hindi sa pagtingin ng tao. Humahatol Siya hindi sa panlabas na anyo. Kanyang sinisiyasat ang mga puso at humahatol na matuwid. “Ngunit ito ang taong aking titingnan,” Kanyang sinabi, “siya na mapagpakumbaba at may nagsisising diwa, at nanginginig sa aking salita” (Isaias 66:2). TKK 212.2
Tinataggap at pinakikisamahan Niya ang Kanyang mga tagasunod na mapagpakumbaba at walang pagkukunwari; sapagkat nakikita Niya sa kanila ang pinakamahalagang materyal, na kayang tumayo sa pagsubok ng bagyo at sigwa, init at panggigipit. TKK 212.3
Ang layunin natin sa paglilingkod para sa Panginoon ay dapat upang ang Kanyang pangalan ay maluwalhati sa pagbabago ng mga makasalanan. Hindi tinatanggap ng Diyos iyong mga gumagawa para sa papuri. TKK 212.4
Maraming mga kaloob ang ginagamit ng Diyos para sa pagliligtas ng mga makasalanan. Sa mga darating na panahon, ang mga pangkaraniwang tao ay papatnubayan ng Espiritu ng Diyos na iwanan ang kanilang trabaho para humayo at ipahayag ang huling mensahe ng awa. Sila'y dapat palakasin at pasiglahin, at sa lalong madali ay maihandang gumawa, upang ang kanilang paglilingkod ay makoronahan ng tagumpay. Sila'y nakikipagtulungan sa hindi nakikitang mga ahensya ng langit, sapagkat nakahanda silang gumugol at magugol sa paglilingkod sa Panginoon. Sila'y manggagawa kasama ng Diyos, at dapat silang sabihan ng kanilang mga kapatid na sumainyo ang Diyos, na nananalangin para sa kanila sa paghayo nila upang isakatuparan ang dakilang utos na humayo para gumawa. Walang sinuman ang may awtoridad na pigilan ang mga manggagawang iyon. Dapat silang pakitunguhan na may malaking respeto. Walang panunuya ang dapat salitain tungkol sa kanila na gaya sa magulong mga lugar ng mundo na sila'y nagtatanim ng butil ng ebanghelyo.— REVIEW AND HERALD, July 4,1907 . TKK 212.5