Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Magagamit ng Diyos ang Pangkaraniwang Kakayahan, Hulyo 18
Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, “Tingnan ninyo, tinawag ng PANGINOON sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, Kanyang pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, ng kakayahan, katalinuhan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng sari-saring gawain” Exodo 35:30, 31, TKK 211.1
Ang kakayahan sa karaniwang sining ay kaloob ng Diyos. Kanyang ibinibigay ang kaloob at karunungan para gamitin ng tama ang kaloob. Kapag ninais Niya ang gawain na ginagawa sa tabernakulo, Kanyang sinabi, “Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ng Juda. Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain” (Exodo 31:2, 3). Sa pamamagitan ni propeta Isaias ay sinabi ng panginoon, “Makinig kayo, at pakinggan ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita. Nag-aararo bang lagi ang mag-aararo upang maghasik? Patuloy ba niyang binubungkal at dinudurog ang kanyang lupa? TKK 211.2
“Kapag kanyang napatag ang ibabaw niyon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ipinupunla ang binhing komino, at inihahanay ang trigo, at ang sebada sa tamang lugar, at ang espelta bilang hangganan niyon? Sapagkat siya'y naturuan ng matuwid, ang kanyang Diyos ang nagtuturo sa kanya. Ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na mabigat, o ang gulong man ng karwahe ay iginugulong sa komino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang komino ay ng pamalo. Ang trigo ay dinudurog upang gawing tinapay, sapagkat ito'y hindi laging ginigiik, kapag ito'y kanyang pinagulungan ng kanyang karwahe at ng kanyang mga kabayo, hindi niya ito nadudurog. Ito man ay mula rin sa PANGINOON ng mga hukbo; siya'y kahanga-hanga sa payo, at nangingibabaw sa karunungan” (Isaias 28:23-29). TKK 211.3
Ipinamamahagi ng Diyos ang kanyang mga kaloob ayon sa nais Niya. Sa isa ay nagkakaloob Siya ng isa, at iba pang kaloob sa iba pa, ngunit ang lahat ay sa ikabubuti ng buong katawan. Sa utos ng Diyos na ang ilan ay naglilingkod sa isang linya ng gawain, at ang mga iba naman ay sa iba rin—lahat ay gumagawa sa gayundin na iisang Espiritu. Ang pagkilala sa ganitong panukala ay magiging sanggangalang laban sa panggagaya, pagmamataas, inggit, o panlalait sa kapwa. Magpapatibay ito ng pagkakaisa at pag-ibig sa isa't isa.— COUNSELS TO PARENTS AND TEACHERS, pp. 314, 315 . TKK 211.4