Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

180/366

Hinihintay Tayo ng mga Anghel sa Langit, Hunyo 28

Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay Siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka, Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas, Roma 10:9,10, TKK 190.1

Tumatawag ang Panginoon para magamit ang bawat talento at kakayahan. Kapag napawi mula sa iglesya ang kahihiyan ng katamaran at kakuparan, mabiyayang mailalahad ang Espiritu ng Panginoon; magsasama ang banal na kapangyarihan sa pagsisikap ng tao, makikita ng iglesya ang mabuting pamamagitan ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, maikakalat ang liwanag ng katotohanan, ang kaalaman ng Diyos at ni Jesu-Cristo na Kanyang isinugo. Katulad noong kapanahunan ng mga alagad, maraming kaluluwa ang babaling sa Panginoon. Maliliwanagan ang lupa ng kaluwalhatian ng anghel mula sa langit. TKK 190.2

Kung makukumbinsi sa pagkakasala ang sanlibutan bilang mga manlalabag sa kautusan ng Diyos, ito'y sa pamamagitan ng paggawa ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao. Kailangang maiwaksi na ngayon ng iglesya ang kanyang pagtulog na parang patay; sapagkat naghihintay ang Panginoon na pagpalain ang Kanyang bayan na kikilala sa pagpapala kapag dumating ito, at ikakalat ito sa malilinaw at malalakas na sinag ng liwanag. “Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis.... Aking ilalagay ang Aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin Ko kayo nang ayon sa Aking mga tuntunin” (Ezekiel 36:25-27). TKK 190.3

Kung magiging mabungang bukirin ang ilang ng iglesya, at magiging gubat ang mabungang bukirin, ito'y sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinuhos sa Kanyang bayan. Matagal nang naghihintay ang mga makalangit na katalinuhan para sa mga tao, mga kaanib ng iglesya, na makipagtulungan sa kanila sa dakilang gawain na kailangang matapos. Naghihintay sila para sa inyo. Napakalawak ng bukirin, napakakomprehensibo ng pagkakaayos, na anupa't magagamit ang bawat pinabanal na puso bilang isang kinatawan ng banal na kapangyarihan.... TKK 190.4

Itulot na ang lahat ng naniniwala sa katotohanan para sa kapanahunang ito'y isantabi ang kanilang hindi pagkakaunawaan; iwaksi ang pag-iimbot at pagsasalita at pag-iisip ng masama. Magpisan, magpisan. “Ngayong nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, kaya't kayo'y may tunay na pag-ibig sa isa't isa, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong alab mula sa dalisay na puso” (1 Pedro 1:22).— THE GENERAL cONFERENCE DAILY BULLETIN, February 28,1893 . TKK 190.5