Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
May Pagmamalasakit ang Buong Langit sa Pagliligtas sa mga Kaluluwa, Hunyo 27
Samakatuwid, kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang Kanyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pakikipagkasundo, 2 Corinto 5:19, TKK 189.1
Sa gawain ng pagliligtas ng mga tao, dapat na gumawang magkasundo ang mga tao at mga anghel, na nagtuturo ng katotohanan ng Diyos sa kanila na walang nalalaman tungkol doon, upang mapalaya sila mula sa pagkakagapos sa kasalanan. Tanging katotohanan lamang ang makapagpapalaya sa mga tao. Ang kalayaan na dumarating sa pamamagitan ng kaalaman ng katotohanan ay kailangang maipangaral sa bawat nilalang. Ang ating Ama sa langit, si Jesu-Cristo, at ang mga anghel, lahat ay nagmamalasakit sa dakila at banal na gawain. TKK 189.2
Ibinigay sa tao ang mataas na pagkakataon na ilahad ang banal na karakter sa pamamagitan ng pagsisikap na mailigtas ang tao mula sa hukay ng pagkapahamak na kanyang pinaglubugan. Ang bawat tao na magpapasakop upang maliwanagan ng Banal na Espiritu ay gagamitin para sa kaganapan ng layuning ito na inisip ng Diyos. Si Cristo ang ulo ng Kanyang iglesya, at luluwalhatiin Siya kapag lalo pang nasasangkot sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa ang bawat bahagi ng iglesyang iyon. . . . TKK 189.3
May higit na kasiyahan sa langit sa isang makasalanan na nagsisisi, kaysa sa higit siyam na pu't siyam na nag-iisip na wala silang pangangailangang magsisi. Kapag naririnig natin ang tagumpay ng katotohanan sa anumang lugar, itulot na sumama ang buong iglesya sa mga awitan ng pagdiriwang, itulot na umakyat sa Diyos ang mga papuri. Itulot na maluwalhati natin ang pangalan ng Panginoon at lalo tayong makakasihan ng higit na kasigasigan upang maging manggagawa kasama ng Diyos. Inuudyukan tayo ng Panginoon na tuparin ang tagubilin “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Mareos 16:15). Ngunit kailangan nating mag-iwan ng lugar para sa paggawa ng Banal na Espiritu, upang ang mga manggagawa ay maitaling magkasama at sumulong sa kalakasan ng nagkakaisang hukbo ng mga kawal. TKK 189.4
Itulot na maalala ng lahat na tayo'y “panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao” (1 Corinto 4:9). Kaya't kailangan na magtanong ang bawat isa na may kaamuan at takot, Ano ang aking landas ng tungkulin? Ilalahad ng lubos na pagtatalaga sa paglilingkod sa Diyos ang humuhulmang impluwensiya ng Banal na Espiritu sa bawat hakbang sa daan.— REVIEW AND HERALD, July 16,1895 . TKK 189.5