Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

178/366

Pinananatiling Gising ang mga Bantay, Hunyo 26

Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una. Roma 13:11. TKK 188.1

Mga kapatid ko, kailangang nakaupo si Cristo sa inyong kalooban, at dapat na mamatay ang sarili. Kailangan tayong mabautismuhan ng Banal na Espiritu, at pagkatapos ay hindi na tayo uupo, na sinasabing walang pakialam, “Mangyayari ang mangyayari; kailangang matupad ang propesiya” O magising kayo, nagsusumamo ako, gising! Dahil nasa inyo ang pinakabanal na mga pananagutan. Bilang mga tapat na bantay, kailangang makita ninyo na paparating ang tabak, at ibigay ang babala, upang hindi sundan ng mga lalaki at babae ang landas ng kamangmangan na maiiwasan sana nila kung nalalaman nila ang katotohanan. TKK 188.2

Binigyan tayo ng liwanag ng Panginoon tungkol sa kung ano ang paparating sa lupa, upang maliwanagan natin ang iba, at hindi tayo mapapawalang-sala kung masisiyahan tayong maging kampante, na nakatiklop ang mga kamay, at nagtatalo sa mga maliliit na bagay. Naging abala ang isip ng marami sa pagtatalo, at kanilang tinanggihan ang liwanag na ibinigay sa mga Testimonies, dahil hindi ito sumasang-ayon sa sarili nilang mga palagay. TKK 188.3

Hindi pinipilit ng Diyos ang sinuman sa Kanyang paglilingkod. Dapat na magpasya ang bawat kaluluwa para sa kanyang sarili kung mahuhulog siya sa Bato o hindi at mawawasak. Namamangha ang kalangitan na makita ang espiritwal na kamangmangan na nangingibabaw. Kailangan ng bawat isa na buksan ang kanilang mga nagmamataas na puso sa Espiritu ng Diyos. Kailangan na mapabanal ang inyong mga kakayahang intelektuwal para sa paglilingkod ng Diyos. Dapat na nasa inyo ang kapangyarihan ng Diyos na nakapagbabago upang ang inyong mga pag-iisip ay mapanibago ng Banal na Espiritu, upang mapasainyo ang pag-iisip ni Cristo. TKK 188.4

Kung matutulog ang mga bantay sa ilalim ng pampamanhid ni Satanas at hindi makilala ang tinig ng tunay na Pastor, at hindi kunin ang babala, sinasabi ko sa inyo sa pagkatakot sa Diyos, sisingilin sila sa dugo ng mga kaluluwa. Dapat na gising ang mga bantay, mga lalaking hindi matutulog sa kanilang tungkulin, araw o gabi. Dapat na bigyan nila ang trumpeta ng tiyak na tunog, upang iwasan ng mga tao ang kasamaan, at piliin ang mabuti. Hindi dapat na mabigyang dahilan ang kawalan ng kaalaman at pagpapabaya. Sa bawat panig natin ay naroon ang mga breaker at nakatagong mga bato na wawasakin ang ating sinasakyan, at iiwanan tayong walang magagawa, malibang gagawin natin ang Diyos na ating kanlungan at tulong.— REVIEW AND HERALD, December 24,1889 . TKK 188.5