Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Nagbibigay ang Espiritu ng mga Tamang Salita, Hunyo 19
“Sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo,” Mateo 10:20. TKK 181.1
Sa lahat ng regalo na ibinigay ng Diyos sa tao, wala nang higit na mahalaga kaysa sa kaloob ng pagsasalita, kung ito'y pinabanal ng Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng dila tayo'y kumukumbinsi at nanghihikayat: nananalangin tayo at naghahandog ng papuri sa Diyos gamit ito, at nagbibigay tayo ng mayayamang kaisipan tungkol sa pag-ibig ng Manunubos sa pamamagitan nito. Silang inihahandang magbigay liwanag sa mga pag-iisip ay madalas na magkakaroon ng pagkakataon na bumasa mula sa Biblia o mula sa mga aklat na nagtuturo ng katotohanan, at sa pamamagitan nito'y magdala ng patunay upang maliwanagan ang mga kaluluwa. TKK 181.2
Kapag tumatawag ang tinig ng Panginoon, “Sinong susuguin Ko, at sinong hahayo para sa atin?” inilalagay ng Banal na Espiritu sa mga puso na tumugon, “Narito ako; suguin Mo ako!” (Isaias 6:8). Ngunit isaisip ninyo na kailangang hipuin ng baga mula sa dambana ang inyong mga labi. Kung magkagayo'y magiging matalino at banal ang mga salitang inyong bibigkasin. Sa gayo'y magkakaroon kayo ng karunungan upang malaman kung ano ang inyong sasabihin at kung ano ang hindi bibigkasin. Hindi ninyo sisikaping ipakita ang inyong katalinuhan bilang teologo. Magiging maingat kayo na hindi gisingin ang espiritung palaban o manghikayat ng masamang palagay, sa pamamagitan ng walang pag-iingat na paglalahad ng lahat ng punto ng ating pananampalataya. Makakahanap kayo ng sapat na pag-uusapan na hindi gigising ng pagsalangsang, kundi magbubukas ng puso upang nasain ang mas malalim na pagkakilala sa Salita ng Diyos. TKK 181.3
Ninanasa ng Panginoon na kayo'y maging manghihikayat ng mga kaluluwa; kaya't, habang hindi ninyo dapat pilitin ang mga punto ng doktrina sa mga tao, kailangan kayong maging “handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo” (1 Pedro 3:15). Bakit kayo matatakot? Matakot kayo na ang inyong mga salita'y magkaroon ng samyo ng pagpapahalaga sa sarili, malibang mabigkas ang mga salitang hindi karapat-dapat, malibang ang inyong mga salita at gawi ay hindi maging kasang-ayon kay Cristo. Umugnay kayo nang matibay kay Cristo, at ilahad ang katotohanan kung paanong ito'y nasa Kanya. Hindi mabibigong mahipo ang mga puso sa kasaysayan ng pagbabayad-sala. TKK 181.4
Habang natututuhan ninyo ang kaamuan at kapakumbabaan ni Cristo, malalaman ninyo kung ano ang dapat ninyong sabihin sa mga tao; sapagkat sasabihin sa inyo ng Banal na Espiritu ang mga salitang kailangan ninyong bigkasin. Silang nakakikilala sa pangangailangan ng pagpapanatili sa puso na nasa ilalim ng kontrol ng Banal na Espiritu ay mabibigyang pagkakataon na maghasik ng binhi na tutubo sa buhay na walang hanggan. Ito ang gawain ng mangangaral ng ebanghelyo.— (AUSTRALASIAN) UNION CONFERENCE RECORD, July 1,1902 . TKK 181.5