Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Ang Kapitbahayan: Isang Malaking Bukirin ng Gawain, Hunyo 16
“Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo,” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya, Lucas 8:39. TKK 178.1
Nagbubukas ang mga bukirin saanman, na nananawagan para sa buhay na mangangaral. May mga pagkakataon sa sariling bayan at sa ibang bansa na tila walang paraan upang mapunan. Ngunit marami ang may liwanag ng katotohanan, at kung gagawin ng mga ito ang lahat na nasa kanilang kapangyarihan upang magbigay ng liwanag sa iba, napakalaki ng magagawa! Hindi maaaring maging mga mangangaral ng Salita ang lahat, ngunit ang lahat ay may magagawa para kay Cristo sa ating sariling mga tahanan. TKK 178.2
Makakagawa sila ng mabuting gawain para sa kanilang mga kapitbahay. Kung ilalagay lamang nila ang kanilang mga pag-iisip at puso sa gawain, maaari silang makaisip ng mga panukala na sila'y magagamit sa isang maliit na paraan, anuman ang kanilang posisyon. TKK 178.3
Ang mga palaki nang palaking pagkakataon para magamit, ang pagbubukas ng mga pagkakataon para mailahad ang Salita ng Diyos, ay nangangailangan ng ating mga handog ng panahon, pag-iisip at salapi, malalaki at maliliit na mga regalo, sang-ayon sa paghahanda sa atin ng Diyos, upang makagawa ng daan para sa katotohanan sa mga madidilim na lugar ng lupa, upang magtaas ng watawat ng katuwiran, at isulong ang mga interes ng kaharian ni Cristo. Naghihintay ang mga makalangit na anghel na makiisa sa tao, upang makarinig at maimpluwensiyahan ng Banal na Espiritu ang maraming kaluluwa, at mahikayat. TKK 178.4
Matagal na tayong umaasa at naghihintay sa pagdating ng Panginoon; ngunit ginagawa ba natin ang lahat sa ating kapangyarihan upang pabilisin ang Kanyang pagdating? “Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa Kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi Niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi” (2 Pedro 3:9). Samantalang palaging gumagawa ang Panginoon, samantalang nasangkot ang buong kalangitan sa gawain sa lupa upang palapitin ang mga tao kay Cristo at sa pagsisisi, ano ang ginagawa ng mga tao upang makipagtulungan sila sa mga makalangit na kapangyarihan? Araw-araw ba silang nagtatanong, “Ano ang dapat kong gawin?” (Gawa 9:6). Nagsasagawa ba sila ng pagtanggi sa sarili, na tulad ni Jesus? Nakikilos ba sila, na ang kanilang mga puso ay nananalanging matanggap nila ang Kanyang biyaya, ang Banal na Espiritu ng Diyos, upang magkaroon sila ng karunungan na makagawa gamit ang kanilang mga kakayahan at pananalapi upang makapagligtas ng mga kaluluwang nangamamatay na walang Cristo?— REVIEW AND HERALD, May 16,1893. TKK 178.5