Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Mga Lunsod: Mga Bukiring Hinog Na Para sa Pag-aani, Hunyo 15
“Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi Ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin” Juan 4:35, TKK 177.1
Para sa atin, na gaya rin sa mga alagad noong kapanahunang iyon, binibigkas ni Cristo ang mga salitang ito. Lumilipas ang panahon, at tumatawag ang Panginoon ng mga manggagawa sa lahat ng linya ng Kanyang gawain na itaas ang kanilang mga tingin at makita ang mga bukirin na ganap nang hinog para sa pag-aani. TKK 177.2
Hindi kumakalat ang ating mga manggagawa sa kanilang mga pagsisikap na tulad nang nararapat. Hindi gising ang mga pangunahin nating mga tauhan sa gawaing kailangang magampanan. Kapag iniisip ko ang mga lunsod kung saan napakakaunti ang nagagawa, kung saan libu-libo ang kailangang mabigyang babala tungkol sa malapit nang pagdating ng ating Tagapagligtas, nakakadama ako ng masidhing pagnanasa na makita ang mga lalaki at babae na humayo upang gumawa sa kapangyarihan ng Espiritu, na puno ng pag-ibig ni Cristo para sa mga kaluluwang nangamamatay. TKK 177.3
Napabayaan ang mga di-binyagan sa mga lunsod na nasa ating mga pintuan. Kailangang magkaroon ng organisadong pagsisikap upang mailigtas sila. Kailangan tayong gumawa ngayon upang mahikayat ang mga di-binyagan sa ating kalagitnaan—silang nabubuhay sa loob ng anino ng ating mga pintuan. Dapat na malagyan ang kanilang mga bibig ng isang bagong awit, at sila'y dapat na humayo upang magbigay sa iba na ngayo'y nasa kadiliman ng liwanag ng mensahe ng ikatlong anghel. TKK 177.4
Kailangan nating lahat na maging gising upang, habang nagbubukas ang daan, maaari nating isulong ang gawain sa mga malalaking lunsod. Nahuhuli na tayo sa pagsunod sa liwanag na ibinigay sa atin upang makapasok sa mga lunsod at magtayo ng mga alaala para sa Diyos. Sa bawat hakbang dapat nating dalhin ang mga kaluluwa sa ganap na liwanag ng katotohanan. Marami ang nagnanasa para sa espiritwal na pagkain. Kailangan tayong magpatuloy sa paggawa hanggang mabuo ang isang iglesya at maitayo ang isang mapagpakumbabang bahay-sambahan. Napapalakas ang loob ko na maniwalang maraming mga taong hindi natin kapananampalataya ang tutulong ng malaki sa pamamagitan ng kanilang pananalapi. Ibinigay sa akin ang liwanag na sa maraming lugar, lalo na sa malalaking lunsod sa Amerika, magbibigay ng tulong ang mga ganitong tao.— PACIFIC UNION RECORDER, October 23,1902 . TKK 177.5