Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

166/366

Pansanlibutang Misyon: Binubuksan ng Espiritu ang mga Pinto, Hunyo 14

“At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas.” Mateo 24:14. TKK 176.1

Isang malawak na bukirin ng misyon ang buong sanlibutan, ngunit tayong matagal nang naitatag sa katotohanan ay dapat na masiyahan sa kaisipan na ang mga bukirin na dati'y mahirap marating ngayon ay madali nang napapasok. Dapat hanapin ng bawat iglesya sa ating bansa ang rebaybal ng espiritung misyonero. Dapat nilang nasain ang patuloy na paglago sa kasigasigan at pagkilos. Kailangang manalangin ang lahat na maglaho na ang kawalan ng interes na naging dahilan upang mailayo sa gawain ang mga tao at pananalapi, at manahan sa kaluluwa si Cristo. Para sa atin Siya'y naging mahirap, upang tayo sa pamamagitan ng Kanyang kahirapan ay yumaman. TKK 176.2

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay kumbinsihin ang tao sa kanyang pagkakasala, at alam ko na kasalanan para sa kaninuman sa atin na mawalan ng malasakit ngayon. Habang tumitingin tayo sa magkakaibang mga bukirin na napasok na, maaari tayong magtanong, “Anong himala ang ginawa ng Diyos?” Ano pa ang maaari Niyang gawin para sa Kanyang ubasan na hindi pa Niya nagagawa? Nagbigay ang Diyos ng mapagkukunan upang maparating ang Kanyang mayamang biyaya, upang magbigay ng kapangyarihan sa pagganap sa Kanyang gawain. Wala nang pagkukulang ang Diyos sa Kanyang bahagi; ang pagkukulang ay nasa bahagi ng tao, na tumatangging makipagtulungan sa banal na karunungan. Sa pamamagitan ng panukalang Kanyang binuo, walang magagawa para sa kaligtasan ng tao maliban sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tao. Ang mga makasalanang pinagpala ng liwanag at patunay, na nakakakilala na sa pamamagitan ng biyayang ibibigay sa kanila, maaari nilang makamit ang mga kondisyong ipinangako ang kaligtasan, ngunit gayunpama'y tinatanggihang sumubok ay walang masisisi kundi ang kanilang sarili sa kanilang pagkapahamak. Nararamdaman natin na sa mga ganitong tao maaaring masabi na walang kabuluhan ang kamatayan ni Cristo para sa kanila. TKK 176.3

Ngunit sino ang dapat sisihin para sa pagkawala ng mga kaluluwa na hindi nakakakilala sa Diyos, at hindi nagkaroon ng pagkakataon na makarinig ng mga dahilan para sa ating pananampalataya? Anong pananagutan ang nasa iglesya na may kinalaman sa sanlibutan na malapit nang mamatay nang walang ebanghelyo? Malibang magkaroon ng higit na tiyak na pagtanggi sa sarili sa bahagi nilang nag- aangkin -na naniniwala sa katotohanan, malibang magkaroon ng higit na tiyak na katapatan sa pagdadala ng lahat ng ikapu at handog sa kaban, malibang makagawa ng higit na malalawak na panukala kaysa sa mga naisagawa na, hindi natin magagampanan ang tagubilin ng ebanghelyo na humayo sa buong sanlibutan, at ipangaral si Cristo sa bawat nilalang.— THE HOME MISSIONARY, April 1,1895 . TKK 176.4