Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

165/366

Maging mga Bata Ay Maaaring Magbahagi ng Kanilang Pananampalataya, Hunyo 13

Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na Kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David” ay nagalit sila, Kaya't sinabi nila sa Kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo, Hindi ba ninyo kailanman nabasa, ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?’ ” Mateo 21:15,16, TKK 175.1

Maaaring maitaas ang pamantayan ng katotohanan ng mga mapagpakumbabang mga lalaki at babae; at ang mga kabataan, at maging ang mga bata, ay maaaring maging pagpapala sa iba, sa pamamagitan ng paglalahad kung ano ang nagawa ng katotohanan para sa kanila. Gagamitin ng Diyos ang pinakamahinang instrumento kung sila'y lubos na nagpapasakop sa Kanya. Maaari Siyang gumawa sa pamamagitan nila upang abutin ang mga kaluluwa na hindi nagkaroon ng pagkakataon ang ministro na abutin. May mga malalaki at maliliit na daan na kailangang saliksikin. Hawak ang Biblia sa inyong kamay, na ang inyong puso'y mainit at nagbabaga sa pagmamahal ng Diyos, maaari kayong lumabas at sabihan ang iba ng inyong karanasan; maaari ninyong ipabatid sa kanila ang katotohanan na nakakuha ng inyong puso, na nananalanging may pananampalataya na gagawing matagumpay ng Diyos ang inyong mga pagsisikap para sa kanilang kaligtasan. Italastas ninyo ang liwanag, at magkakaroon kayo ng higit pang liwanag upang italastas. Sa gayon kayo'y magiging mga manggagawang kasama ng Diyos. TKK 175.2

Ninanais ng Diyos na gamitin ng Kanyang mga anak ang lahat ng kanilang mga kapangyarihan, na sa paggawa upang pagpalain ang iba, maaari silang lumakas sa kalakasan ni Jesus. Maaaring hindi kayo nakapag-aral; maaaring isipin ng iba na hindi kayo makagagawa ng dakilang gawain para sa Diyos; ngunit may mga bagay na inyong magagawa. Maaari ninyong pagningasin ang inyong liwanag sa iba.... TKK 175.3

Maaaring magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan ang bawat isa, at magbigay ng impluwensiya para sa kabutihan. Kung gayo'y humayo kayo sa gawain, mga kapatid. Magkaroon kayo ng karanasan sa pamamagitan ng paggawa para sa iba. Maaari kayong magkamali; ngunit hindi ito hihigit kaysa sa nagawang paulit-ulit ng mga pinakamatatalino, at nilang nasa posisyon. Hindi kayo palaging magtatagumpay; ngunit hindi ninyo nalalaman ang bunga ng mapagpakumbaba at walang pag-iimbot na pagsisikap upang matulungan silang nasa kadiliman. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, maaari kayong magligtas ng mga kaluluwa mula sa kamalian tungo sa katotohanan, at sa pamamagitan nito'y mapupuno ng pag-ibig ng Diyos ang inyong sariling mga kaluluwa.— REVIEW AND HERALD, January 12,1897 . TKK 175.4