Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Mga Saksi Para sa Krus, Hunyo 5
“Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito, At tingnan ninyo, ipapadala Ko sa inyo ang pangako ng Aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas” Lucas 24:48, 49, TKK 167.1
Pagkatapos ng pagbubuhos ng Banal na Espiritu, humayo ang mga alagad, na nabibihisan ng banal na kasuotan, bilang mga saksi upang sabihin sa sanlibutan ang kasaysayan ng sabsaban at ng krus. Sila'y mga mapagpakumbabang mga lalaki, ngunit humayo sila na may katotohanan. Pagkatapos ng kamatayan ng kanilang Panginoon, sila'y isang grupong walang magawa, bigo, at pinanghinaan ng loob—katulad ng tupa na walang pastol: ngunit ngayo'y humahayo sila bilang mga saksi para sa katotohanan, na walang mga armas maliban sa Salita at Espiritu ng Diyos, upang magtagumpay sa lahat ng kalaban. Tinanggihan ang kanilang Tagapagligtas at kinondena at ipinapako sa nakakahiyang krus. Sinabi ng mga paring Hudyo at mga tagapanguna sa pagkutya na, “Nagligtas Siya ng iba; hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba Siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa Kanya” (Mateo 27:42). TKK 167.2
Ngunit ang krus na iyon, iyong instrumento ng kahihiyan at pagpapahirap, ay nagdala ng pag-asa at kaligtasan sa sanlibutan. Nagtipon ang mga mananampalataya; iniwan na sila ng kanilang kawalang pag-asa at nababatid na kahinaan. Nabago sila sa karakter, at nagkaisa sa mga panali ng pagmamahalang Kristiyano. Bagama't walang kayamanan, bagama't ibinibilang ng sanlibutan na mga walang alam na mangingisda, ginawa silang mga saksi para kay Cristo ng Banal na Espiritu. Mga bayani sila ng pananampalataya na walang makalupang pagkilala o karangalan. Lumabas sa kanilang mga bibig ang mga salita ng banal na kagalingan at kapangyarihan na umalog sa mundo. TKK 167.3
Nagbibigay ang ikatlo, ika-apat at ikalimang kabanata ng Gawa ng salaysay ng kanilang pagsaksi. Silang tumanggi at nagpapako sa krus sa Tagapagligtas ay umaasang makita ang Kanyang mga alagad na nanghihina, naluluha, at handa nang itatwa ang kanilang Panginoon. Nagulantang sila sa pagkarinig sa malinaw at matapang na patotoo na ibinigay sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kinakatawan ng mga salita at gawa ng mga alagad ang mga salita at gawa ng kanilang Tagapagturo; at sinabi ng lahat ng nakapakinig sa kanila, Natuto sila mula kay Jesus, nagsasalita sila na gaya ng Kanyang pagsasalita. “At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay ng Panginoong Jesus at sumakanilang lahat ang dakilang biyaya” (Gawa 4:33).— ELLEN G. WHITE 1888 MATERIALS, p. 1543. TKK 167.4