Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Ang Asin ng Lupa, Hunyo 3
“Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao” Mateo 5:13. TKK 165.1
Gagawa ang Diyos kasama ang iglesya, ngunit hindi kapag wala ang kanilang pakikipagtulungan. Nawa'y ang bawat isa sa inyong nakatikim sa mabuting Salita ng Diyos ay “paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16). Sinasabi ni Jesus, “Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao” Ang asin na nagliligtas, ang lasa ng Kristiyano, ay ang pag-ibig ni Jesus sa puso, ang katuwiran ni Cristo na lumalaganap sa kaluluwa. Kung pananatilihin ng nag-aangkin ng relihiyon ang nagliligtas na bisa ng kanyang pananampalataya, dapat na panatilihin niya ang katuwiran ni Cristo na nasa kanyang harapan, at taglayin ang kaluwalhatian ng Diyos bilang kanyang gantimpala. Kung magkagayon mahahayag ang kapangyarihan ni Cristo sa buhay at karakter. TKK 165.2
O, kapag lumapit tayo sa mga pintuang perlas, at pumasok sa lunsod ng Diyos, pagsisisihan ba ninumang papasok doon na itinalaga niya ang kanyang buhay na walang itinatago kay Jesus? Mahalin natin Siya ngayon nang buong pagmamahal, at makipagtulungan sa mga makalangit na karunungan, upang maging kamanggagawa tayo ng Diyos, at sa pamamagitan ng pakikibahagi sa banal na likas, ay maihayag si Cristo sa iba. O, nawa'y makamtan natin ang bautismo ng Banal na Espiritu! O, nawa'y magningning ang maliliwanag na sinag ng Araw ng Katuwiran sa mga silid ng pag-iisip at puso, upang ang bawat diyus-diyosan ay mapababa sa trono at maipatapon mula sa templo ng kaluluwa! O, nawa'y magawa ng ating mga dila na mangusap tungkol sa Kanyang kabutihan, upang bigkasin ang Kanyang kapangyarihan! TKK 165.3
Kung tutugon ka sa pagtawag ni Jesus papalapit sa Kanya, hindi ka mabibigong magkaroon ng impluwensiya sa iba sa pamamagitan ng kagandahan at kapangyarihan ng biyaya ni Cristo. Tunghayan natin Siya at mabago sa Kanyang larawan na pinananahanan ng lahat ng kaganapan ng Diyos, at maunawaan na tinatanggap tayo sa Minamahal, “at kayo'y napuspos sa Kanya, na Siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan” (Colosas 2:10).— THE BIBLE ECHQ, February 15,1892. TKK 165.4