Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

154/366

Ang Liwanag ng Sanlibutan, Hunyo 2

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago,” Mateo 5:14. TKK 164.1

Tinatawagan tayo ng ating katapatan sa mga prinsipyo ng Cristianismo sa aktibong paglilingkod sa Diyos. Silang hindi ginagamit ang kanilang mga talento para sa gawain ng Diyos ay hindi magkakaroon ng bahagi kay Jesus sa Kanyang kaluwalhatian. Magniningning ang liwanag mula sa bawat kaluluwa na tumatanggap ng biyaya ng Diyos. Maraming kaluluwa ang nasa kadiliman, ngunit anong kapahingahan, at kaalwanan, at kapayapaan ang nararamdaman ng marami tungkol sa usaping ito! Libu-libo ang nagtatamasa ng malaking kaliwanagan at mahahalagang pagkakataon, ngunit walang ginagawa gamit ang kanilang impluwensiya o ang kanilang salapi, upang maliwanagan ang iba. Hindi man nila tinatanggap ang pasanin ng pag-iingat sa sarili nilang kaluluwa sa pag-ibig ng Diyos, upang hindi sila maging pasanin para sa iglesya. Ang mga ganito'y magiging pabigat at hadlang sa langit. Para kay Cristo, para sa katotohanan, para sa kanilang sarili, kailangang gumising ang mga ganito at gumawang masikap para sa walang hanggan. Inihahanda ang mga makalangit na tahanan para sa lahat nang tutupad sa mga kondisyong inilatag sa Salita ng Diyos. TKK 164.2

Alang-alang sa mga kaluluwang pinagbuwisan ni Cristo ng Kanyang buhay, na nasa kadiliman ng kamalian, hinihingi sa lahat ng tunay na tagasunod ni Cristo na maging liwanag sa sanlibutan. Ginawa ng Diyos ang Kanyang bahagi sa malaking gawain, at naghihintay ng pakikipagtulungan ng Kanyang mga tagasunod. Ganap na naisaayos na ang panukala ng pagliligtas. Inihandog ang dugo ni Jesu-Cristo para sa mga kasalanan ng sanlibutan, nangungusap ang Salita ng Diyos sa mga tao sa mga payo, sa mga pagsaway, sa mga babala, sa mga pangako, at sa pagpapalakas-loob, at ang bisa ng Banal na Espiritu ay iniaabot upang tulungan siya sa lahat ng kanyang pagsusumikap. Ngunit sa lahat ng kaliwanagan na ito namamatay pa rin ang sanlibutan sa kadiliman, na nalibing sa kamalian at pagkakasala. TKK 164.3

Sino ang magiging manggagawa kasama ng Diyos, upang makamit ang mga kaluluwang ito para sa katotohanan? Sino ang magdadala sa kanila ng mabubuting balita ng kaligtasan? Ang bayang pinagpala ng Diyos ng liwanag at katotohanan ay kailangang maging tagapagbalita ng kahabagan. Dapat na umagos sa banal na daluyan ang kanilang mga yaman. Dapat na magamit ang kanilang matiyagang pagsisikap. Kailangan silang maging manggagawang kasama ng Diyos, tinatanggihan ang sarili, nagsasakripisyo, katulad ni Jesus, na para sa ati'y naging mahirap, upang tayo sa pamamagitan ng Kanyang kahirapan ay maging mayaman.— REVIEW AND HERALD, March 1,1887. TKK 164.4