Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Bautismo, 6 Mayo
Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umaahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.” Mateo 3:16, 17. LBD 131.1
Si Jesus ang halimbawa natin sa lahat ng bagay na may kinalaman sa buhay at kabanalan. Nabautismuhan Siya sa Jordan, kung paaanong dapat mabautismuhan ang ibang mga lumalapit sa Kanya. Masugid na pinagmasdan ng mga anghel sa langit ang kaganapan ng pagbibinyag sa Tagapagligtas, at kung nabuksan ang mga mata ng mga nakatingin, makikita nila ang hukbo ng langit na nakapaligid sa Anak ng Diyos habang Siya ay nakayuko sa mga pampang ng Jordan. Ipinangako ng Panginoon na bibigyan si Juan ng isang tanda kung saan maaaring malaman niya kung sino ang Mesiyas, at ngayon habang bumabangon si Jesus mula sa tubig, ibinigay ang ipinangakong tanda; sapagkat nakita niya ang mga langit na binuksan, at ang Espiritu ng Diyos, tulad ng isang kalapating makinang na ginto, ay lumipad-lipad sa ulo ni Cristo, at may isang tinig na nagmula sa langit, na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.” . . . Nagbukas si Jesus, ang Manunubos ng daigdig, ng mga paraan upang ang pinakamakasalanan, ang lubos na nangangailangan, ang masyadong pinahirapan at hinamak, ay maaaring makatagpo ng daan tungo sa Ama,—ay maaring magkaroon ng tirahan sa mga mansyong pinuntahan ni Jesus para ihanda sa mga nagmamahal sa Kanya.— The Youth’s Instructor, June 23, 1892. LBD 131.2
Iyong mga nabuhay na kasama ni Cristo upang lumakad sa panibagong buhay ay ang mga hinirang ng Diyos. Banal sila sa Panginoon, at kinikilala Niya bilang Kanyang minamahal. Dahil dito, nasa ilalim sila ng banal na kasunduan upang ibukod ang kanilang sarili sa pagpapakita ng kababaan ng pag-iisip. Dapat nilang damitan ang kanilang mga sarili ng mga damit ng katuwiran. Dapat silang humiwalay sa mundo, sa espiritu nito, sa mga gawi nito, at dapat nilang ihayag na natututo sila sa Kanya. . . . Kung napagtanto nilang namatay silang kasama ni Cristo, kung panatilihin nila ang kanilang panata sa bautismo, hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang mundo na ihiwalay sila para tanggihan si Cristo. Kung nabubuhay sila sa buhay ni Cristo sa mundong ito, mga kabahagi sila ng banal na kalikasan.— Letter 32, 1907. LBD 131.3