Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Pag-aaral ng mga Kasulatan, 7 Mayo
At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan. Lucas 24:27. LBD 132.1
Matapos na hanapin Siya [si Cristo] nina Jose at Maria sa loob ng tatlong araw, nakita nila Siya sa bulwagan ng templo, nakaupo sa gitna ng mga doktor, nakikinig, at nagtatanong sa kanila. At namangha ang lahat ng nakarinig sa Kanya sa Kanyang pang-unawa at mga sagot. Malumanay Siyang nagtanong na anupa’t napahanga ang mga nag-aral na mga lalaking ito. . . . Walang magawa ang kanyang ina kundi tandaan ang Kanyang mga salita, ang Kanyang espiritu, at ang Kanyang kusang pagsunod sa lahat ng kanyang mga utos. LBD 132.2
Hindi tamang sabihin, gaya ng sinabi ng maraming manunulat, na katulad si Cristo ng lahat ng mga bata. Hindi siya tulad ng lahat ng mga bata. Maraming mga bata ang naligaw ang landas at mali ang pamamahala. Ngunit iningatan ni Jose, at lalo na ni Maria, ang alaala na banal ang pinagmulang Ama ng kanilang anak. Tinuruan si Jesus alinsunod sa sagradong karakter ng Kanyang misyon. Isang patuloy na kasiyahan sa Kanyang mga magulang ang kanyang patuloy na inklinasyon sa matuwid.— The Youth’s Instructor, September 8, 1898. LBD 132.3
Ang kanyang malapit na pagkilala sa Kasulatan ay nagpapakita kung gaano kasigasig na ibinigay ang una Niyang mga taon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.— The Desire of Ages, p. 70. LBD 132.4
Binuksan ni Cristo ang mga Kasulatan sa Kanyang mga alagad, magsimula kay Moises at sa mga propeta, at tinuruan sila sa lahat ng bagay tungkol sa Kanyang sarili, at ipinaliwanag din sa kanila ang mga propesiya.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 401. LBD 132.5
Itinuro Niya ang mga Banal na Kasulatan bilang hindi mapag-aalinlangang awtoridad, at dapat din nating gawin ang gayon.— Christ’s Object Lessons, p. 39. LBD 132.6
Maaaring magkaroon ang bawat bata ng kaalaman tulad ng ginawa ni Jesus. Habang sinisikap nating makilala ang ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng Kanyang Salita, lalapit ang mga anghel, lalakas ang ating mga isipan, at tataas at gagawing dalisay ang ating mga karakter.— The Desire of Ages, p. 70. LBD 132.7
Tulad ni Cristo, dapat nating harapin ang kaaway sa oras ng tukso ng, “Nasusulat.”— The Youth’s Instructor, July 13, 1893. LBD 132.8