Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

126/367

Masipag Siya, 4 Mayo

Kailangan nating gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin, samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa. Juan 9:4. LBD 129.1

Ipinakikita ng buhay ni Cristo sa lahat ng kabataan na ang masipag at masunuring buhay ay pabor sa pagbubuo ng mabuting moralidad, matatag na mga prinsipyo, lakas ng layunin, matalinong kaalaman, at mataas na kakayahang espirituwal. Pinahahalagahan ng karamihan sa mga kabataan sa kasalukuyan ang mga kapanapanabik na libangan, na hindi mabuti para sa mataas na kakayahan sa pagpapaunlad ng kaisipan, at para sa pisikal na lakas. Ang isip ay hindi napananatili sa isang tahimik at malusog na kalagayang isipan, kundi, kalimitan, sa ilalim ng kaguluhan; sa maikling salita, ito ay lasing sa mga libangang hinahangad nito, na nagpapahiwatig na ito ay walang kakayahan sa aplikasyon, pagmumunimuni, at pag-aaral.— The Youth’s Instructor, September 1, 1873. LBD 129.2

Hindi makararanas ng tunay na kasiyahan ang mga kabataang hindi nagtataglay ng paggalang sa kanilang mga magulang, at isang pag-ibig para maging kapakipakinabang ang kanilang sarili. . . . Ang pagmamahal sa mga walang kabuluhang libangan ay nagpapabagal sa kalagayan ng pag-iisip, at nagpapahina sa moralidad upang ang marami sa mga kabataan ay may mahinang pagpipigil sa sarili at matatag na prinsipyo.— The Youth’s Instructor, September 1, 1873. LBD 129.3

Sa Kanyang abalang buhay ay walang mga sandaling walang ginagawa upang mag-imbita ng tukso. Walang oras na walang layunin ang nagbukas ng daan para sa nakasisirang samahan. Hangga’t maaari, isinara Niya ang pinto para sa manunukso. Walang kapakinabangan o kasiyahan, papuri ni pagsaway, ang maaaring humikayat sa Kanya na sumang-ayon sa isang maling gawa. . . . LBD 129.4

Hindi niya gustong magkamali, kahit na sa paghawak ng mga kasangkapan. Perpekto Siya bilang isang manggagawa, kung paano Siya ay perpekto sa pagkatao. Sa pamamagitan ng Kanyang sariling halimbawa, itinuro Niya na ating tungkulin ang maging masipag, na sa ating trabaho ay dapat na isagawa nang may katumpakan at kahusayan, at na kagalang-galang ang gayong gawain. Ang ehersisyong nagtuturo sa mga kamay na maging kapakipakinabang at nagsasanay sa mga kabataang madala ang kanilang bahagi ng mga pasanin sa buhay ay nagbibigay ng pisikal na lakas, at nagpapaunlad ng bawat kakayahan. . . . Itinalaga ng Diyos ang gawain bilang pagpapala, at tanging ang masigasig na manggagawa ang makatatagpo ng tunay na kaluwalhatian at kagalakan ng buhay.— The Desire of Ages, p. 72. LBD 129.5