Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Iniingatan ng Diyos ang Bagong Puso, 7 Abril
At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang magiingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus. Filipos 4:7. LBD 102.1
Kapag tinanggap natin si Cristo bilang isang nananatiling panauhin sa kaluluwa, ang kapayapaan ng Diyos, na nagbibigay ng lahat ng pag-unawa, ang mag-iingat ng ating mga puso at isipan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ang buhay ng Tagapagligtas sa lupa, bagaman nanirahan sa gitna ng salungatan, ay isang buhay ng kapayapaan. Habang patuloy siyang ginigipit ng mga galit na kaaway, sinabi Niya, “Siya na nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi ako pinabayaang nag-iisa ng Ama; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa kanya.” Walang bagyo ng poot ng tao o ni Satanas ang maaaring makaabala sa kapayapaan ng sakdal na pakikipag-ugnayan sa Diyos. At sinasabi Niya sa atin: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.” “Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makatatagpo kayo ng kapahingahan.” Pasanin ninyong kasama Ko ang pamatok ng paglilingkod para sa kaluwalhatian ng Diyos at ang pagtataas ng sangkatauhan, at masusumpungan ninyong magaan ang aking pamatok, at magaan ang pasanin. . . . LBD 102.2
Ang kaligayahang kinuha mula sa makalupang pinagmumulan ay lubhang pabagu-bago tulad ng mga nagbabagong pangyayaring magagawa nito; ngunit ang kapayapaan ni Cristo ay isang patuloy at nananatiling kapayapaan. Hindi ito nakasalalay sa anumang mga pangyayari sa buhay, sa dami ng mga ariarian sa mundo, o sa bilang ng mga kaibigan sa lupa. Si Cristo ang bukal ng buhay na tubig, at ang kaligayahang nakukuha sa Kanya ay hindi nakabibigo.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 31, 32. LBD 102.3
Nagpapatotoo ang karanasan ng bawat tao sa katotohanan ng mga salita ng Kasulatan, “Ang masama ay parang maunos na dagat; sapagkat hindi matatahimik. . . . Walang kapayapaan, sabi ng aking Diyos, sa masasama,” Sinira ng kasalanan ang ating kapayapaan. Habang ang sarili ay hindi nadadaig, hindi tayo makatatagpo ng kapahingahan. Ang namumunong damdamin ng puso ay hindi makokontrol ng kapangyarihan ng tao. Wala tayong magagawa dito tulad ng mga alagad upang patahimikin ang nagngangalit na bagyo. Ngunit Siyang nagsalita ng kapayapaan sa mga alon ng Galilea, ay nagsalita ng kapayapaan para sa bawat kaluluwa. Gaano man ang kabangis ang bagyo, iyong mga lumapit kay Jesus . . . ay makasusumpong ng kaligtasan. Ang Kanyang biyaya . . . ang magpapatahimik ng kaguluhan ng pagnanasa ng tao, at sa Kanyang pagmamahal ang puso ay nasa kapahingahan.— The Desire of Ages, p. 336. LBD 102.4