Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

95/367

Pinapangakuan Tayo ng Diyos ng Isang Bagong Pusong Laman, 3 Abril

Bibigyan Ko kayo ng bagong puso, at lalagyan Ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at Aking bibigyan kayo ng pusong laman. Ezekiel 36:26. LBD 98.1

Palaging natitisod ang mga kabataan sa mga salitang ito, “Isang bagong puso.” Hindi nila alam kung ano ang kahulugan nito. Humahanap sila ng isang espesyal na pagbabagong magaganap sa kanilang mga pakiramdam. Itinuturing nila itong pagbabagong loob. Dahil sa kamaliang ito, libu-libo ang natisod sa kapahamakan, dahil hindi nauunawaan ang mga salitang, “Kailangang kayo’y ipanganak na muli.” . . . Kapag si Jesus ay nagsasalita tungkol sa isang bagong puso, ang ibig Niyang sabihin ay ang isipan, ang buhay, ang buong pagkatao. Ang pagkakaroon ng pagbabago ng puso ay ang paglayo mula sa pag-ibig sa sanlibutan, at ilagay ang mga ito kay Cristo. Ang pagkakaroon ng bagong puso ay ang pagkakaroon ng bagong isipan, bagong layunin, at bagong mga motibo. Ano ang tanda ng isang bagong puso?—isang nabagong buhay. Mayroon itong pang-araw-araw, pangoras-oras na pagkamatay sa pagkamakasarili at pagmamataas.— The Youth’s Instructor, September 26, 1901. LBD 98.2

Pagkatapos ay maihahayag ang espiritu ng kabutihan, di-pahintu-hinto, kundi tuluyan. Magkakaroon ng isang desididong pagbabago sa kalooban, sa pagkilos, at sa at kilos patungo sa lahat kung kanino ka man may koneksyon. Hindi ninyo palalakihin ang kanilang mga kahinaan, hindi ninyo sila ilalagay sa isang hindi kaaya-ayang liwanag. Gagawa kayo ayon sa paraan ni Cristo. . . . LBD 98.3

Sa halip na ibunyag at ihayag ang inyong mga pagkakamali sa iba, sisikapin ninyong matiyagang kumilos para ayusin at gamutin ito. . . . Ang isang lalaking marahas ang espiritu ay hindi mabait at magaspang; hindi siya espirituwal; wala siyang pusong laman, kundi mayroon siyang pusong manhid tulad ng isang bato. Ang tanging makatutulong sa kanya ay ang pagbagsak sa Bato, at pagkadurog. Ilalagay ng Panginoon ang ganitong mga tao sa isang sisidlan, at subukin sila sa apoy, kung paanong dinadalisay ang ginto. Kapag nakita na Niya ang Kanyang sariling larawan sa kanila ay Kanyang aalisin sila. . . . Aangkinin ng relihiyon ni Cristo ang buong katauhan, at bibigyan tayo ng kapangyarihan sa buong pagkatao, binabago, nililinis, at dinadalisay. Ipinakikita nito ang sarili na walang pagmamalaki, at mga mapagmataas na salita, kundi makikita sa isang matuwid at di-makasariling buhay.— Letter 15, 1895. LBD 98.4

Ang kapangyarihan lamang ng Diyos ang may kakayahang bumago ng pusong bato tungo sa isang pusong laman.— Ellen G. White Manuscript 95, 1903. LBD 98.5