Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Kailangan ang Masikap na Pag-iingat sa Puso sa Paglago sa Biyaya, 2 Abril
Ang iyong puso’y buong sikap mong ingatan, sapagkat mula rito’y dumadaloy ang mga bukal ng buhay. Kawikaan 4:23. LBD 97.1
Kailangan para sa malusog na paglago sa biyaya ang masigasig na pag-iingat ng puso. Isang tirahan ng mga masasamang isipan at mga makasalanang damdamin ang puso sa natural na kalagayan nito. LBD 97.2
Kapag isinailalim ito kay Cristo, kailangan itong linisin ng Espiritu mula sa lahat ng karumihan. Hindi ito magagawa kung wala ang pagsang-ayon ng isang indibiduwal. LBD 97.3
Kapag nalinis na ang kaluluwa, katungkulan ng isang Cristianong panatilihin itong malinis. Marami ang parang nag-iisip na ang relihiyon ni Cristo ay hindi nananawagang layuan ang pang-araw-araw na kasalanan, ang pagtakas mula sa mga kaugaliang humahawak sa kaluluwa sa pagkaalipin. LBD 97.4
Mayroon silang tinatanggihang ilang bagay na itinuturing nilang laban sa konsensya, ngunit nabibigo silang maging kinatawan ni Cristo sa arawaraw na buhay. Hindi nila dinadala sa tahanan ang pagiging tulad ni Cristo. LBD 97.5
Hindi sila nagpapakita ng maingat na pagpili ng mga salita. Madalas, mga mayamutin at mainiping mga salita ang nasasabi, mga salitang kumikilos ng pinakamasamang damdamin ng puso ng tao. Kailangan ng mga ito ang naninirahang presensya ni Cristo sa kaluluwa. Sa Kanyang lakas lamang nila makakayang bantayan ang mga salita at kilos. Sa gawain ng pag-iingat ng damdamin ay kailangan natin ang mabilis na pananalangin, hindi napapagod sa paghingi ng tulong sa trono ng biyaya. Ang mga tumatawag sa kanilang sarili na Cristiano ay dapat na lumapit sa Diyos na may kataimtiman at kapakumbabaan, para humingi ng tulong. Sinabi sa atin ng Tagapagligtas na manalanging walang patid. Ang Cristiano ay hindi palaging nasa kalagayan ng pananalangin, ngunit ang kanyang isipan at mga kagustuhan ay palaging paitaas. Ang pagtitiwala sa sarili ay mawawala, kung tayo ay magsasalita nang kaunti at mas marami ang panalangin.— The Youth’s Instructor, March 5, 1903. LBD 97.6
Dapat nakasentro sa Diyos ang damdamin. Pagbulay-bulayin ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang awa at mga kahusayan. Hayaang ang Kanyang kabutihan at pag-ibig at kasakdalan ng karakter ang bumihag sa iyong puso.— The Review and Herald, March 29, 1870. LBD 97.7
Ibig ng Tagapagligtas ng mundo na ibigay ng mga bata at kabataan ang kanilang mga puso sa Kanya.— The Youth’s Instructor, August 10, 1893. LBD 97.8