Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Magmamahal ang Isang Pusong Binago Tulad ng Pagmamahal ni Cristo, 4 Abril
Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal Ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa. Juan 13:34. LBD 99.1
Sinabi ni Jesus, “Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa.” Ang pag-ibig ay hindi lamang isang simbuyo, isang pansamantalang damdamin, na nakasalalay sa mga pangyayari; ito ay isang buhay na prinsipyo, isang permanenteng kapangyarihan. Pinasisigla ang kaluluwa ng mga agos ng dalisay na pag-ibig na dumadaloy mula sa puso ni Cristo, tulad sa isang bukal na hindi kailan man natutuyo. O, paano binubuhay ang puso, paano binibigyang-dangal ang mga motibo nito, lumalalim ang pagmamahal nito, sa pamamagitan ng pakikipag-isang ito! Sa ilalim ng pagtuturo at disiplina ng Banal na Espiritu, nagmamahalan ang mga anak ng Diyos, totoo, taos-puso, at natural,—“walang pagtatangi, at walang pagpapaimbabaw.” At ito ay dahil ang puso ay umiibig kay Jesus. Ang pagmamahal natin sa isa’t isa ay nagmumula sa ating pinag-isang relasyon sa Diyos. Tayo ay isang pamilya, mahal natin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Kung ihahambing sa tunay, pinabanal, at disiplinadong pagmamahal na ito, ang mababaw na kagandahang-loob ng mundo, ang walang kabuluhang pagpapahayag ng matalik na pakikipagkaibigan, ay gaya ng ipa ng trigo.— Letter 63, 1896. LBD 99.2
Ang magmahal na gaya ng pagmamahal ni Cristo ay ang magpakita ng pagiging di-makasarili sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, sa pamamagitan ng mabubuting salita at kawili-wiling hitsura. . . . Ang tunay na pagmamahal ay isang mahalagang katangiang nagmumula sa langit, na mas lalong nagiging mahalimuyak ayon sa proporsyong ibinabahagi sa iba. . . . LBD 99.3
Ang pag-ibig ni Cristo ay malalim at maalab, na umaagos na tulad sa isang di-mapigilang daloy sa lahat ng tatanggap nito. Walang pagkamakasarili sa Kanyang pagmamahal. Kung ang pag-ibig na itong mula sa langit ay isang matibay na prinsipyo sa puso, ay mahahayag nito ang kanyang sarili, hindi lamang doon sa mga pinahahalagahan natin sa isang banal na ugnayan, kundi sa lahat din ng mga nakasasalamuha natin. Aakayin tayo nitong magbigay ng kaunting pagpansin, magbigay ng pahintulot, magsagawa ng mga kabutihan, magsalita nang mahinahon, totoo, at nagpapatibay na mga salita. Aakayin tayo nitong maawa sa mga taong ang mga puso ay sabik sa simpatya.— Ellen G. White Manuscript 17, 1899. LBD 99.4