Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Dahil Karapat-dapat Tayo, Lalakad Tayo Nang Nakaputing Damit, 27 Disyembre
Ngunit mayroon ka pang ilan sa Sardis na hindi dinungisan ang kanilang mga damit; at sila’y kasama Kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila’y karapat-dapat. Apocalipsis 3:4. LBD 366.1
Bilang mananagumpay, kapag tayo ay “nabihisan ng mapuputing damit” (Apocalipsis 3:5), kikilalanin ng Panginoon ang katapatan natin na kagaya rin talaga noong kapanahunan ng unang Cristianong iglesia nang kilalanin Niya ang “ilan sa Sardis,” na “hindi dinungisan ang kanilang mga damit;” at lalakad kasama Niya nang nakasuot ng puti, sapagkat sa pamamagitan ng tumutubos Niyang sakripisyo maibibilang tayong karapatdapat. . . . LBD 366.2
Sa liwanag ng mga nakahihimok na pangakong ito, gaano natin dapat kaalab pagsikapang pakasanayin ang isang karakter na magbibigay-lakas sa ating makatayo sa harapan ng Anak ng Diyos! Tanging silang nakasuot ng damit ng Kanyang katuwiran ang makatatagal sa kaluwalhatian ng Kanyang presensya kapag nagpakita na Siya “na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). LBD 366.3
Malaki ang ibig sabihin ng maging mananagumpay. Dapat matatag mong paglabanan ang mga pagsalakay ng kaaway at lahat niyang masasamang ahensya. Lagi dapat tayong nakabantay bawat sandali. Hindi natin dapat makalimutan si Cristo kahit isang saglit, at ang kapangyarihan Niyang magligtas sa panahon ng pagsubok. Kailangang nakalagay ang ating kamay sa Kanyang kamay, upang tayo ay maalalayan ng kapangyarihan ng Kanyang lakas.— The Review and Herald, July 9, 1908. LBD 366.4
Kung gusto mong umupo sa hapag ni Cristo, at magpakasawa sa mga pagkaing inilagay Niya sa hapunan ng kasalan ng Kordero, may espesyal na kasuotan ka dapat, na ang tawag ay damit-pangkasal, na siyang puting damit ng katuwiran ni Cristo. Bawat isang may suot ng damit na ito ay may-karapatang pumasok sa lunsod ng Diyos; at kung ayaw ni Jesus na magkaroon ka ng lugar sa mga tahanang ipinaroon Niya upang ihanda para sa mga nagmamahal sa Kanya, sa ganyang napakalaking sakripisyo ng Kanyang sarili, hindi sana Niya ginawa ang lahat ng paghahandang ito para maging masaya ka at makaupo sa Kanyang mesa at matamasa ang tahanang ipinunta Niya roon upang ihanda para sa tinubos Niyang pamilya.— The Youth’s Instructor, August 11, 1886. LBD 366.5