Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

364/367

Ihaharap Tayo sa Ama, 28 Disyembre

Ang magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi Ko kailan man papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag Ko ang kanyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel.Apocalipsis 3:5. LBD 367.1

Ang katagang, “Ang magtagumpay,” ay nagpapahiwatig na ang bawat isa sa atin ay merong dapat pagtagumpayan. Dadamitan ang nagtagumpay ng puting kasuotan ng katuwiran ni Cristo, at tungkol sa kanya ay nasusulat: “hindi Ko kailan man papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag Ko ang kanyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel.” O, anong gandang pribilehiyo ng maging mananagumpay, at ng maiharap ng Tagapagligtas mismo ang ating mga pangalan sa Ama!— The Review and Herald, July 9, 1908. LBD 367.2

Napakahalagang katiyakan ang nasa pangakong ito! Ano pang mas malaking panghimok ang maibibigay sa atin para lang maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos? Sino ang magsusuot ng buong kasuotang pandigma? Sino ang magpapatala sa ilalim ng bandilang may bahid ng dugo ni Prinsipe Emmanuel? . . . Puwedeng dumating ang banal na liwanag sa bawat nagpupunyagi at tinutuksong anak ng Diyos upang hindi Niya kailangang mabuwal sa pakikipaglaban sa mga puwersa ng kadiliman, kundi maging mananagumpay sa bawat laban.— The Youth’s Instructor, September 6, 1894. LBD 367.3

Isinusuot sa mga sinusubok ang walang-duming damit ng katuwiran ni Cristo at tinutukso, gayunman ay mga tapat na anak ng Diyos. . . . Nananatili ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero, nakalista kasama ng mga tapat sa lahat ng panahon. Napaglabanan nila ang mga panlilinlang ng mandaraya; hindi sila napabaling ng ungal ng dragon mula sa kanilang pinagtatapatan. Ngayon ligtas na sila magpasawalang-hanggan sa mga pakana ng manunukso. . . . Hindi lamang pinatawad at tinanggap ang nalabi, kundi pinarangalan. “Isang magandang turbante” ang inilagay sa kanilang mga ulo (Zacarias 3:5). magiging mga hari at mga pari sila sa Diyos. Habang ipinipilit ni Satanas ang kanyang mga akusasyon at pinagsisikapang puksain ang grupong ito, ang mga banal na anghel, na hindi nakikita, ay nagpapabalik-balik, na inilalagay sa kanila ang tanda ng Diyos na buhay. Sila ang mga nakatayo sa Bundok ng Zion kasama ng Kordero, na nakasulat ang pangalan ng Ama sa kanilang mga noo.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 475, 476. LBD 367.4