Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

362/367

Bibigyan Tayo ng Buhay na Walang Katapusan, 26 Disyembre

Ang magtagumpay ay hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan. Apocalipsis 2:11. LBD 365.1

Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang regalo ng Diyos na walang-bayad ay buhay na walang-hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 6:23). Samantalang buhay ang pamana sa mga matuwid, kamatayan naman ang bahagi ng mga masasama. Idineklara ni Moises sa Israel, “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan” (Deuteronomio 30:15). Hindi yaong iginawad kay Adan ang kamatayang tinutukoy sa mga talatang ito, sapagkat dinaranas ng buong sangkatauhan ang kaparusahan ng kanyang pagsalangsang. Ito ay ang “ikalawang kamatayan” na kataliwas ng buhay na walang-hanggan. LBD 365.2

Bilang bunga ng kasalanan ni Adan, naranasan ng buong lahi ng tao ang kamatayan. Napupunta pare-parehong lahat sa libingan. At sa pamamagitan ng mga paglalaan ng plano ng kaligtasan, dapat mailabas ang lahat sa kanilang mga libingan. “Magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid” (Gawa 24:15), “sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Corinto 15:22). Subalit may malaking pagkakaiba ang dalawang klaseng ilalabas sa libingan. “Ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig ng Kanyang tinig, at magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan” (Juan 5:28, 29). Silang “itinuturing na karapat-dapat” sa muling pagkabuhay sa buhay, ay mga “mapalad at banal.” “Sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan” (Lucas 20:35; Apocalipsis 20:6). Subalit dapat makatanggap ng kaparusahan ng paglabag ang mga hindi sinigurado ang kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya.— The Great Controversy, p. 544. LBD 365.3

Ang sabi ng anghel, “Si Satanas ang ugat, ang kanyang mga anak ang mga sanga. Sila’y tupok na ngayon, ugat at sanga. Namatay sila nang walang-hanggang kamatayan. Hindi na sila mabubuhay pang muli, magkakaroon ang Diyos ng isang malinis na sansinukob.” . . . At ibinaba ng buong hukbo ng mga tinubos, matatanda at bata, mga dakila at hamak, ang nagkikinangan nilang mga korona sa paanan ng kanilang Manunubos, at nagpatirapa bilang pagsamba sa harapan Niya, at sinamba Siyang nabubuhay magpakailan man (Apocalipsis 4:10). Ang magandang bagong lupa, pati ang lahat ng kaluwalhatian nito, ay ang walang-hanggang mana ng mga banal.— Early Writings, p. 295. LBD 365.4