Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
May Kapangyarihan Tayo sa mga Bansa, 25 Disyembre
Sa bawat nagtatagumpay at tumutupad ng Aking mga gawa hanggang sa wakas, ay bibigyan Ko ng pamamahala sa mga bansa. Apocalipsis 2:26. LBD 364.1
Ang ating Panginoon mismo ang nangako sa Kanyang mga alagad, “At kung Ako’y pumunta roon at maihanda Ko ang isang lugar para sa inyo, Ako’y babalik at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili” (Juan 14:3). Dahil inaasahan na ang kalungkutan at pangungulila ng Kanyang mga tagasunod, ang mahabaging Tagapagligtas ang siyang nag-atas sa mga anghel na aliwin sila ng katiyakan na personal na Siyang babalik muli, kung paanong pumunta Siya sa langit. Habang nakatayong nakatitig sa langit ang mga alagad upang makita sa huling sulyap Siya na kanilang minamahal, nakuha ang kanilang atensyon ng mga salitang, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo’y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta Niya sa langit” (Gawa 1:11). Muling pinagdiklap nang panibago ng mensahe ng anghel ang pag-asa. Ang mga alagad ay “bumalik sa Jerusalem na may malaking kagalakan. At sila’y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos” (Lucas 24:52, 53). Hindi sila nagagalak nang dahil nahiwalay na si Jesus sa kanila, at iniwanan na silang makipagpunyagi sa mga pagsubok at tukso ng sanlibutan, kundi dahil sa pagtiyak ng anghel na muli Siyang babalik. LBD 364.2
Ang paghahayag ng pagdating ni Cristo, kagaya noong sabihin ng mga anghel sa mga pastol ng Bethlehem, ay dapat maging magandang balita rin naman ngayon ng malaking kagalakan. Walang magagawa ang mga tunay na nagmamahal sa Tagapagligtas kundi ipagbunyi nang may kagalakan ang pabalitang ito na nakasalig sa Salita ng Diyos, na Siyang pinagtutuunan ng kanilang pag-asa sa walang-hanggang buhay ay muling babalik, hindi para insultuhin, hamakin, at itakwil gaya noong una Siyang pumarito, kundi para tubusin ang Kanyang bayan sa kapangyarihan at kaluwalhatian.— The Great Controversy, pp. 339, 340. LBD 364.3
Kailangang sumulong ang ebanghelyo mula sa pananakop tungo sa pananakop, mula sa tagumpay tungo sa tagumpay. Ibibigay ang kadakilaan ng kaharian sa silong ng buong kalangitan sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan, at kukunin nila ang kaharian at aangkinin ang kaharian magpakailan kailan man (Daniel 7:18).— Testimonies for the Church, vol. 9, p. 219. LBD 364.4