Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

345/367

At Dala Niya ang Kanyang Gantimpala, 9 Disyembre

Ako’y malapit nang dumating at dala Ko ang Aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. Apocalipsis 22:12. LBD 348.1

Malapit nang magtapos ang gawain natin dito sa lupa, at tatanggap ang bawat tao ng kanyang gantimpala ayon sa sarili niyang pagpapagal. Ipinakita sa akin ang gantimpala ng mga banal, ang walang-hanggang pamana, at nakita ko, na iyong mga nagtiis nang pinakamalaki alang-alang sa katotohanan ay hindi mag-iisip na sobrang hirap ng kanilang naranasan, kundi ituturing na madaling kamtin ang langit.— Testimonies for The Church, vol. 1, p. 381. LBD 348.2

Bawat araw ay may pasanin nitong listahan ng mga di-nagawang tungkulin, ng kapabayaan, ng pagkamakasarili, ng pandaraya, ng panloloko, ng panlalamang. Anong daming masasamang gawa ang naiipon para sa huling paghuhukom! Pagdating ni Cristo, . . . anong tinding pagbubunyag ang mangyayari!— Testimonies for The Church, vol. 2, p. 160. LBD 348.3

Bawat mabuti at bawat masamang gawain, at ang impluwensya nito sa iba, ay binabaybay ng Tagasuri ng mga puso, na sa Kanya ay lantad ang lahat ng sekreto. At ang gantimpala ay magiging ayon sa mga motibong nag-udyok sa kilos.— Testimonies for The Church, vol. 2, p. 520. LBD 348.4

Malapit na at lubhang nagmamadali ang pagdating ni Cristo. Maiksi na ang panahon para gumawa, at napapahamak ang mga lalaki at babae. . . . Kailangan natin ang humihikayat na kapangyarihan ng Diyos para kumontrol sa atin, upang maunawaan natin ang mga pangangailangan ng napapahamak na sanlibutan. Ito ang pasanin ng mensahe ko sa inyo: Maghanda kayo, maghanda kayong salubungin ang Panginoon. Ayusin ang inyong mga ilawan, at hayaang tumanglaw ang liwanag ng katotohanan sa mga daan at bakuran. May isang daigdig na dapat mababalaan tungkol sa nalalapit na pagdating ng wakas ng lahat ng bagay. . . . LBD 348.5

Kailangan nating makasama ang presensya ng Banal na Espiritu ng Diyos, upang mapalambot ang ating mga puso at upang hindi tayo makapagdala ng mabalasik na espiritu sa gawain. Dalangin kong lubusang kontrolin nawa ng Banal na Espiritu ang ating mga puso. Kumilos tayong gaya ng mga anak ng Diyos na umaasa sa Kanya para sa payo, at handang isagawa ang Kanyang mga plano sa tuwing inilalahad ito. Maluluwalhati ang Diyos ng ganyang mga tao, at ang mga nakakikita sa ating sigasig ay magsasabing; Amen at amen.— LBD 348.6