Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Hanapin na ang Panginoon Habang Masusumpungan Pa Siya, 2 Disyembre
Inyong hanapin ang Panginoon habang Siya’y matatagpuan, tumawag kayo sa Kanya habang Siya’y malapit. Isaias 55:6. LBD 341.1
Dumarating ang panahon na magiging huling-huli na ang hanapin ang Diyos, at iniisip ko kung ano kaya ang mararamdaman natin kapag nagsara na ang pintuan ng awa, at matapos na ang lahat ng gawain natin sa buhay. Ano kayang pakiramdam natin habang binabalik-tanaw na ang ating nakaraan? hahangarin kaya natin doon na sana ay naging mas masigasig ang mga pagsisikap nating maglingkod sa Diyos? Hahangarin kaya natin na namuhay sana tayo nang mas kaayon ng inihayag Niyang kalooban? Maibibilang kaya tayo roon na mga tapat na alipin? Paano kaya kung marinig na natin sa sandaling ito ang tinig ni Cristo na nagsasabing, “Naganap na”? (Apocalipsis 16:17). . . . LBD 341.2
Sa liwanag ng mga solemneng responsibilidad na nakapatong sa atin, isip-isipin natin ang hinaharap, nang ating maunawaan kung anong dapat nating gawin para maharap ito. . . . Sa solemneng pagtitipon sa huling araw, sa pandinig ng sansinukob, ay babasahin ang dahilan ng paghatol sa mga makasalanan. Malalaman ng mga magulang sa kauna-unahang pagkakataon kung ano ang naging sekretong buhay ng kanilang mga anak. Makikita ng mga anak kung gaano karaming pagkakamali ang nagawa nila sa kanilang mga magulang. Magkakaroon ng pangkalahatang pagbubunyag ng mga sekreto at motibo ng puso; sapagkat ang nakatago ay ihahayag (tingnan ang Lucas 8:17). Iyong mga nagtawa sa mga solemneng bagay na kaugnay ng paghuhukom, ay titino na habang nararanasan na nila ang nakatatakot na reyalidad nito. Iyong mga humamak sa Salita ng Diyos, ay makahaharap na ngayon ang May-akda ng mga kinasihang aral. Hindi natin magagawang mamuhay nang hindi mababanggit ang araw ng paghuhukom; sapagkat bagaman matagal nang naaantala, malapit na ito ngayon, nasa pintuan na nga, at lubhang nagmamadali. . . . LBD 341.3
Kapag iniisip ninyo ang mga solemneng bagay, hindi ninyo ba nakikita, mga mahal na kabataan, na dapat na kayong tumigil sa makasarili at makasalanan ninyong landasin—tumigil na sa paggawa ng kasamaan, at matutong gumawa ng mabuti? Ang sarili ninyong hakbang ng pagkilos ang huhubog ng inyong karakter para sa pagkalipol o para sa lubos na kaligayahan ng walang-tigil na panahon ng walang-hanggan. . . . LBD 341.4
Papakinggan ba ninyo ang tagubilin na, “Inyong hanapin ang Pangi-noon habang Siya ay matatagpuan, tumawag kayo sa Kanya habang Siya ay malapit”?— The Youth’s Instructor, July 21, 1892. LBD 341.5