Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

339/367

Maging mga Anak ng Diyos, at mga Tagapagmana sa Pamamagitan ni Cristo, 3 Disyembre

Kaya’t hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Galacia 4:7. LBD 342.1

Gumon ang Galacia sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, pero nang mangaral ang mga apostol sa kanila, natuwa sila sa mensaheng nangangako ng kalayaan sa pang-aalipin ng kasalanan. Ipinahayag ni Pablo at ng kanyang mga kamanggagawa ang doktrina ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na sakripisyo ni Cristo. Iniharap nila si Cristo bilang ang Isa na Siyang, dahil nakikita ang walangmagawang kalagayan ng nagkasalang lahi, ay naparito upang tubusin ang mga lalaki at babae sa pamamagitan ng pamumuhay ng isang buhay ng pagsunod sa kautusan ng Diyos, at sa pagbabayad sa kaparusahan ng pagsuway. At sa liwanag ng krus, maraming hindi pa dati nakakikilala sa tunay na Diyos ang nagsimulang maunawaan ang kadakilaan ng pag-ibig ng Ama. Kaya’t naturuan ang Galacia ng mga pangunahing katotohanan tungkol sa “Diyos na ating Ama,” at “sa ating Panginoong Jesu-Cristo, na nagbigay ng Kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo’y Kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama” (Galacia 1:3, 4). “Sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya,” natanggap nila ang Espiritu ng Diyos, at naging “mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo” (Galacia 3:2, 26). LBD 342.2

Gayon na lamang ang paraan ng pamumuhay ni Pablo sa gitna ng mga taga-Galacia anupa’t nasabi niya pagkatapos na, “Nakikiusap ako sa inyo, kayo’y maging kagaya ko” (Galacia 4:12). Nalapatan ang kanyang mga labi ng buhay na baga ng apoy mula sa altar, at nabigyang-lakas siyang pumaibabaw sa mga kahinaan ng katawan, at ihayag si Jesus bilang tanging pag-asa ng makasalanan. Alam ng mga nakarinig sa kanya na nakasama niya si Jesus. Pinagkalooban ng kapangyarihan mula sa itaas, nagawa niyang ihambing ang mga espirituwal na bagay sa mga espirituwal, at tibagin ang mga kuta ni Satanas. Natibag ang mga puso sa paglalahad na ito ng pag-ibig ng Diyos, ayon sa nahahayag sa sakripisyo ng kaisa-isa Niyang Anak, at marami ang naakay na magtanong, Anong dapat kong gawin para maligtas? . . . Inilalapit tayo ng krus sa Diyos, na ipinagkakasundo tayo sa Kanya. Sa naglulubag na kahabagan ng pag-ibig ng isang ama, pinagmasdan ni Jehovah ang pagdurusang tiniis ng Kanyang Anak para mailigtas ang ating lahi sa walanghanggang kamatayan, at tinatanggap tayo sa Minamahal (Efeso 1:6).— The Acts of the Apostles, pp. 207-209. LBD 342.3